NABABAHALA ang isang OCTA Research Group fellow na posibleng hindi umeepekto ang umiiral ngayong modified enhanced community quarantine (MECQ) sa NCR Plus areas.
Ito’y dahil sa patuloy pa rin aniya ang pagtaas ng naitatalang mga kaso ng COVID-19 sa bansa.
“It’s still too early to say, puwede pang ma-reverse pero sa totoo lang, we are getting very concerned na the MECQ is not working. We’re just being transparent about the data,” ayon kay Prof. Guido David, sa panayam sa teleradyo.
Sinabi ni David na bago ipinairal ang enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila, ang growth rate ng infections ay nasa 60%.
Nang mailagay naman aniya ang NCR Plus areas, na kinabibilangan ng Metro Manila, Rizal, Bulacan, Laguna at Cavite sa ECQ bubble ay bumaba ito ng 20%.
Naobserbahan din ang negative growth rate sa ikalawang linggo ng ECQ.
Gayunman, matapos na maisailalim muli sa mas maluwag na MECQ ang NCR Plus areas ay naobserbahan umano nilang muli ang positive growth rate ng virus sa Metro Manila.
“Pero this week, nawala na ‘yung negative growth rate. Suddenly, naging positive na naman ‘yung growth rate sa NCR. It increased to 4 percent compared sa last week. Nag-change ‘yung indicators, and that’s very concerning,” ayon pa kay David.
Umaasa naman si David na makikita ang pagbaba ng mga bilang ng kaso ng sakit sa mga darating na araw pa.
“Now, maybe the MECQ is not working. So we will know more, lalo na we will see the numbers today and tomorrow and by Monday, if they continue to be higher than what we’re expecting, it might be na ‘yung (that the) MECQ is actually not working,” aniya pa.
Batay sa datos ng Department of Health (DOH), nitong Biyernes ay nakapagtala muli ang bansa ng 10,726 pang COVID-19 cases sanhi upang umakyat na sa record-high na 193,476 ang aktibong kaso ng sakit sa bansa.
Samantala, umaabot naman sa 914,971 ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases sa Pilipinas.
Sa naturang bilang, 705,757 na ang gumaling habang 15,738 naman ang sinawimpalad na bawian ng buhay. Ana Rosario Hernandez
Comments are closed.