COVID-19 CASES TUMAAS, CITY HALL NI-LOCKDOWN

KALINGA – NAGPALABAS ng kautusan ni Tabuk City Mayor Darwin Estranero na ipa-lockdown ang city hall at paligid nito para sa gagawing disinfection dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19 noong Martes ng hapon.

Bukod sa pagsasara ng city hall ay sinuspinde rin ni Estranero ang trabaho ng personnel simula ala-1 ng tanghali hanggang ala-5 ng hapon upang ma-disinfect ang buong gusali ng city hall, gymnasium at iba pang pasilidad bilang preventive measure laban sa pagkalat ng COVID-19.

Ayon sa Tabuk City public information Office, ipinatupad ang lockdown upang mapigilan ang pagkalat ng virus kung saan nakatagtala ng 22 kompirmadong kaso ng COVID-19 noong Linggo na sinasabing pinakamataas sa loob lamang ng isang araw dahil sa community exposure.

Pinagsabihan naman ng public health officials katuwang si Mayor Estranero ang publiko na limitahan ang unnecessary travels sa city hall dahil nalalagay sa pa­nganib ang frontliners at maging ang quarantine facilities ay kukulangin.

Kaya’t hiling ni Estranero sa publiko na kung maaari ay tigilan na ang pagkuha ng travel authority kung hindi naman emergency ang rason.

“Manatili na lamang sa bahay partikular na ang mga bata, at matatandang may edad na 65 kung saan iwasan ang mataong lugar at sundin ang health protocols sa kapaligiran”, dagdag pa ng alkalde.

Base sa tala, umaabot sa 341 positive cases ng Co­vid-19 sa Tabuk City habang 281 naman ang recoveries at dalawa ang namatay at 58 ang active cases.

Samantalang nasa 7,711 katao na ang isinailalim sa RT-PCR tests habang ang 4542 naman ay nag-rapid antigen tests. MHAR BASCO

Comments are closed.