COVID-19 DEATH TOLL SA PNP NASA 74

ISANG 54-anyos na pulis mula sa Iloilo City ang ika-74 fatalities sa COVID-19.

Sa ulat ng Philippine National Police Health Service, may ranggong master sergeant si Patient No. 74.

Sinabi ni PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar na noong Hunyo 8 ay nakaranas ng paghirap sa paghinga ang biktima, agad inadmit sa ospital saka nagpositibo sa RT-PCR Test.

Makaraan ang 21 araw ay pumanaw ito.

Nagpahatid ng pakikiramay si Eleazar at buong PNP sa naulila ni Patient No. 74.

Walo naman sa closed contacts ng biktima ang isinailalim sa swab test at apat dito ay nagpositibo sa COVID-19.

“Ipinag-utos na natin sa unit ng namatay na pulis na sila ay magsagawa ng disinfection sa opisina at mag-quarantine ang lahat ng pulis na nagpositive”, ayon kay Eleazar.

“Habang patuloy ang pagkalat ng virus sa ating pulis, doble ingat ang kailangan at kung kayo ay may pagkakataong magpabakuna ay gawin niyo na ito. Hindi lamang ito proteksyon para sa inyong sarili, ngunit proteksyon na rin sa inyong pamilya”, dagdag pa nito.

Samantala,hanggang kahapon, may 128 pulis ang bagong naimpeksiyon kaya nasa 27, 837 ang kabuuang kaso kung saan 1,771 ang patuloy na ginagamot.

May 119 bagong recoveries naman ang naitala kaya’t umabot na ito sa kabuuang 26,028.

Pumalo naman sa 35,671 o 16.30% ng PNP personnel ang mayroon nang unang shot ng bakuna habang ang fully vaccinated ay 13,301. EUNICE CELARIO

49 thoughts on “COVID-19 DEATH TOLL SA PNP NASA 74”

Comments are closed.