INATASAN ni Interior Secretary Benjamin ‘Benhur’ Abalos, Jr. ang local government units (LGUs) na tiyakin na ang lahat ng pampubliko at pribadong paaralan na nasa kanilang hurisdiksiyon ay mapagkakalooban ng kaukulang tulong sa pagdaraos ng Brigada Eskwela.
Ayon kay Abalos, kaisa sila ng Department of Education (DepEd) at ng buong sektor ng edukasyon sa pagtiyak na ligtas, mapayapa, maayos at COVID 19-free ang nalalapit na full implementation ng face-to-face classes sa bansa.
Aniya, ngayong nananatili pa rin ang banta ng COVID-19, inaasahang ipagpapatuloy ng LGUs ang istriktong pagpapatupad ng minimum public health standards (MPHS) gayundin ang pagbabakuna sa mga mag-aaral sa kanilang lugar.
“With COVID-19 still posing a threat to our students, LGUs are expected to continue the strict enforcement of the minimum public health standards (MPHS) and the COVID-19 pediatric vaccination campaign as we gear towards 100 percent conduct of face-to-face classes,” ayon kay Abalos.
Hinikayat din nito ang mga LGU na i-convene ang kani-kanilang lokal na konseho at magdaos ng kinakailangang paghahanda kabilang na ang building inspections upang masertipikahan ang kalidad at structural integrity ng mga school facilities sa kani-kanilang nasasakupan.
Inatasan na rin ni Abalos ang Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), at iba pang law enforcement units ng mga LGUs hanggang sa mga komunidad na makilahok at magkaloob ng patuloy na suporta sa inisyatiba ng Brigada Eskwela at tiyaking ang lahat ng road networks na patungo sa mga paaralan ay ligtas, malinis at walang anumang sagabal na maaaring magdulot ng panganib sa mga mag-aaral.
Ang full implementation ng face-to-face classes sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan ay inaasahang ipatutupad simula sa Nobyembre 2, 2022. EVELYN GARCIA