COVID-19 HEALTH RECOVERY KITS IPINAMAHAGI SA MANDALUYONG

DAHIL sa dumaraming kaso ng pagkakasakit sa pagpasok ng taong 2022 na nagdulot ng kakulangan ng mga mabibiling gamot sa mga pangunahing drugstores sa Kalakhang Maynila namigay ang pamahalaang lungsod NG Mandaluyong ng libreng COVID-19 Health Recovery Kits sa mga residente ng Barangay Addition Hills.

Kasunod nito ang pamamahagi rin sa iba’t iba pang barangay sa mga darating na araw batay sa pangangailangan.

Ang naturang ayudang gamot sa mga nangangailangan ay malaking bahagi ng panibago at pinalakas na programa ng lungsod laban sa pandemya.

Hangarin nito ang makapagbigay ng agarang lunas sa mga nagkakasakit na at kahandaan naman ng bawat pamilya sa lungsod kung ito man ay biglaang kakailanganin.

Ang COVID-19 Health Recovery Kits ay naglalaman ng mga pangunahing gamot panlaban sa ubo, sipon at trangkaso.

Ito rin ay naglalaman ng Vitamin C, Mentholated ointment, alcohol, face mask at towel para sa mga nakatatanda at bata na itinuturing na malaki ang posibilidad na makaranas ng mga sintomas na kahalintulad sa COVID-19.

Ang naturang Health Recovery Kits ay may kalakip na instruction kung paano ito ligtas na magagamit ng mga mamamayan ng lungsod.

Ito ay ang kauna-unahang programa na pinangunahan ng pamahalaang lungsod sa buong Kamaynilaan kung pagbabatayan lamang ang uri at hangarin nito. ELMA MORALES