COVID-19 HIGH RISK AREAS ISAMA SA PRIORITY SA BAKUNA-OCTA

DAPAT  nang isama ng pamahalaan sa kanilang vaccination priority ang mga emerging COVID-19 high-risk areas at hotspots sa bansa upang maagapan ang pagkalat ng sakit doon.

Ito ang mungkahi ng isang eksperto mula sa OCTA Research Group sa pamahalaan kasunod ng napapaulat na unti-unting pagdami ng COVID-19 cases sa Mindanao.

Ayon kay OCTA Research Fellow Dr. Guido David, sa orihinal na panukala nila ay dapat na i-prioritize ang NCR Plus areas sa pagbabakuna.

Gayunman, sinabi ni David na hindi pa rin naman dapat na kalimutan ang high-risk areas, gayundin ang mga hotspot na lumilitaw ngayon.

“Sa original proposal namin, i-prioritize ang NCR Plus…pero sa prioritization naman hindi naman natin nakalimutan itong mga high-risk areas at mga hotspots nag-i-emerge…So talagang kasama rin sa prioritization dapat itong mga emerging high risk areas,” paliwanag ni David, sa panayam sa telebisyon.

Sa panukala ng grupo, dapat na unahing bakunahan ang mga residente mula sa NCR+8 plus na kinabibilangan ng Metro Manila, Cavite, Bulacan, Rizal, Laguna, Pampanga, Metro Cebu, at Metro Davao, at tumalima naman dito ang pamahalaan.

Kabilang naman sa mga tinukoy ng OCTA Research sa mga lugar na areas of concern na rin ngayon pagdating sa pagkalat ng COVID-19 ay ang Cagayan de Oro, General Santos, Koronadal, Cotabato, Davao, Bacolod, Iloilo, Dumaguete at Tuguegarao. Ana Rosario Hernandez

6 thoughts on “COVID-19 HIGH RISK AREAS ISAMA SA PRIORITY SA BAKUNA-OCTA”

Comments are closed.