HABANG halos nasa sampung libo na ang bilang ng mga pulis na nagpositibo sa COVID-19 at patuloy na inaantabayan pa ang pagdating bakuna, binabalangakas na ng Philippine National Police (PNP) kung paano ang gagawing pag roll out ng mga bakuna sa kanilang hanay.
Nabatid kay PNP Deputy Chief for Administration at Administrative Support to Covid 19 Operations Task Force (ASCOFT) Commander PLt. Gen. Guillermo Eleazar, pinag aaralan nila ngayon ang pagkakaroon ng sariling vaccination plan sakaling maging available na ang bakuna.
Ayon kay Eleazar, kasalukuyan nilang binabalangkas ang plano kung saan mayroon din priority list ng mga unit ng PNP na dapat na unang maturukan ng bakuna.
Magugunitang inihayag ng Pangulong Rodrigo Duterte na ang AFP, PNP at ang mga mahihirap na mamamayan ng bansa ang prayoridad na tumanggap ng bakuna sa vaccination program ng gobyerno.
Subalit, kung pagbabasehan ang priority list ng Department of Health (DOH) ay pang lima sa priority list ang AFP at PNP.
Sa kabilang dako, ayon naman kay MGen. Angelito Casimiro, Director for Logistics na may plano na rin silang ikinakasa para sa pag roll-out ng COVID-19 vaccine sa sandaling mabigyan na ang PNP.
Sa datos ng PNP-ASCOFT noong Sabado ng hapon ay umaabot na sa, 10, 594 ang bilang ng pulis na tinamaan ng COVID-19 kabilang dito ang 202 na infected, 107 na suspected at 476 na probable COVID cases.
Hindi naman nabanggit ni Eleazar kung magiging mandatory o voluntary din ang pagpapabakuna ng mga pulis kung saan may 512 na active cases at 28 pa rin ang bilang ng nasawi. VERLIN RUIZ
Comments are closed.