KUNG hindi magbabago ang ihip ng hangin, 10 araw na lang ang kailangan nating hintayin bago i-lift ng ating pamahalaan ang ECQ sa Luzon at sa Metro Manila. Subalit hindi pa tayo nakasisiguro rito. Pagbabatayan pa rin ng IATF ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa mga piling lugar kung saan kailangan pang ipatupad ang ECQ.
Tulad ng aking isinulat noong nakaraang linggo, mahalaga na pag-aralang mabuti ng ating gobyerno ang unti-unting pagluluwag ng polisiya ng ECQ tungo sa normalisasyon ng ating pang araw-araw na gawain bago tinamaan ng epidemya ng COVID-19 ang ating bansa.
Isa sa mga ‘magandang’ idinulot ng ECQ ay nagresulta ito ng magandang kalidad ng hangin. Malaki ang ibinaba ng lebel ng polusyon sa ating kapaligiran. Sana ay timbangin nilang mabuti ang mga susunod na kautusan na ibababa nila upang panatilihin ang malinis na hangin, lalo na sa Metro Manila. Ito ay sa pamamagitan ng mas mahigpit na pagbabawal sa mga lumang pampublikong sasakyan na magbalik-operasyon sa lansangan. Malaki ang kontribusyon ng mga ito sa masamang kalidad ng hangin sa ating kapaligiran.
Kaugnay nito ay nagbigay ng suhestiyon si Senator Grace Poe, chairman ng Senate Committee on Public Services, na magkaroon ng mandatory testing laban sa COVID-19 ang lahat ng mga drayber ng pampublikong sasakyan (PUV) bago sila payagang lumayag sa pamamasada sa lansangan.
Sang-ayon ako sa panukala ni Sen. Poe. Hindi lamang ito proteksiyon laban sa mga mananakay kundi pati sa personal na kapakanan ng mga drayber at kanilang pamilya. Marami pang kailangang idagdag sa panukala ni Poe. Marahil ay kailangan din nila ng mandatory na personal protective equipment (PPE) bukod sa pagsusuot lamang ng face mask. Maaring sagutin na ito ng ating gobyerno.
Subok na subok na ang ilan sa mga ugali ng mga PUV driver na sumusuway sa mga patakaran ng LTFRB. Tulad na lang ng asul na polo shirt na dapat isinusuot ng mg jeepney driver. Ang mga iba sa kanila ay pumapasada na sando lamang ang suot. Kaya mahalaga na maging mahigpit ang ating mga awtoridad tulad ng MMDA, HPG, LTFRB, LTO at ang mga LGUs sa pamamaraan ng implementasyon ng mga bagong patakaran sa pampublikong transportasyon tulad din ng pagpapatupad ng ECQ sa ating lipunan.
Ang kagandahan dito ay para tayong nagsisimula ulit. Kaya maganda na ayusin at seryosohin ng ating pamahalaan ang mga bagong polisiya sa pampublikong transporatsyon. Pabor ito sa DOTr na matagal nang nagtitimpi sa mga maaangal at pasaway na transport groups na ayaw sumunod sa modernization program ng ating gobyerno. Pagkakataon na po ito ng DOTr. Kapag pinabayaan pa nila ito, wala nang ibang sisisihin kung hindi ang pinuno ng DOTr, hindi po ba Secretary Tugade?
Nakikiramay ako sa pagpanaw ng dati kong klasmeyt at kaibigan na si Raulito ‘Rolly’ Datiles. Siya po ay biktima ng COVD-19. Siya ang barangay captain ng Bagumbuhay sa Project 4 bago siya binawian ng buhay. Nanungkulan siya bilang kapitan ng kanilang barangay sa mahigit na dalawang dekada. Walang tumalo sa kanya. Hindi nagpayaman sa kanyang posisyon. May dedikasyon bilang isang public servant. Bagama’t alam niya na delikado ang kanyang kalusugan sa COVID-19, patuloy pa rin siya na nagserbisyo para sa mga ka-barangay niya upang maghatid ng tulong sa mga nangangailanagan. Maituturing ko siyang isang tunay na bayani. Paalam sa iyo, Rolly.
Comments are closed.