COVID-19 NANANATILING BANTA – PNP

NANANATILING banta pa rin ang COVID-19 sa Philippine National Police (PNP) makaraang isa pa nilang tauhan ang dinapuan nito.

Sa datos ng PNP-Health Service, makaraan ang isang araw na zero cases sa police force, isa pang pulis ang nagpositibo sa nasabing sakit.

Dahil dito, muling nagpaalala si PNP Chief Gen. Dionardo Carlos na ibayong pag-iingat laban sa coronavirus disease lalo na’t nananatili ang pandemya.

Bagaman maliit na ang kaso nito sa buong bansa, sundin pa rin ang minimum public health protocols gaya ng pagsusuot ng face mask, madalas na disinfection at social distancing sa matataong lugar.

Sa kabuuan, umabot na ang kaso ng sakit sa 48,863 kasama ang 129 na nasawi at 48,733 na nakarekober.

Samantala, kahit sinasabing hindi ligtas sa COVID-19 ang police force, mayroon pa ring 469 na hindi nagpapabakuna dahil sa taglay na medical condition at paniniwala laban sa bakuna.

Nasa 312 pulis ang nakatanggap ng unang dose; 223,526 cops ang fully vaccinated habang 219,120 pulis ang tumanggap na ng booster shot. EUNICE CELARIO