COVID-19 PANDEMIC GINAGAMIT SA RFID

Atty Ariel Inton-3

MASYADONG ginagamit ang COVID-19 pandemic para pagkakitaan nang husto ang mga motorista gayong perwisyo ang idinudulot sa mga dumadaan sa expressways.

Ito ang tahasang pahayag ni Atty. Ariel Inton, founder ng Lawyers for Commuters Safety Protection sa mga concessionaires at Department of Transportation (DOTr) na nagpapatupad ng RFID stickers.

Sa isang panayam ng Pilipino MIRROR, sinabi ni Inton na ipinipilit ng mga operator ng RFID stickers ang 100 percent cashless samantalang halata namang hindi pa preparado ang kanilang mga tollways.

“Hindi nila dapat ipilit yung 100 percent cashless, dapat nag- iiwan sila ng isa o dalawang lanes para sa cash dahil hindi naman lahat ay araw araw dumadaan sa mga expressways tapos magbabayad ka ng 500 pesos, buti sana kung araw araw kang dumadaan sa kanila,” wika ni Inton.

“Paano kung minsan ka lang dadaan at ilang taon ka bago uli dumaan? eh paano ang natitira mong pera naka- load na yun eh di hindi mo magagamit dahil prepaid yan?” pagtatanong pa ni Inton na duda sa tunay na pakay sa walang sistema aniyang pagkuha ng RFID stickers.

Aniya, mismong ang World Health Organization (WHO) ay walang sinabi o opisyal na deklarasyon na ang pera ay nakakapag- transmit ng COVID-19.

“Ipagpalagay na nating meron, eh gaano ba ang chance nun?, tanong pa ni Inton.

Kasunod nito, iminungkahi ni Inton na maaari naman aniyang gumamit ng pay tray o hikayatin ang mga dumaraang motorista na magdala ng saktong pambayad upang maiwasan ang labis na contact.

“Maawa na kayo sa tao, kasi nagkakalokohan na lamang tayo dito, hiling lamang ng motorista bigyan sila ng option,” dagdag pa ni Inton. BENEDICT ABAYGAR, JR.

Comments are closed.