CATANDUANES – PINAG-INGAT ni Gov. Joseph Cua ang kanyang mga kababayan upang hindi mahawa sa isang overseas Filipino worker na COVID-19 positive na gumamit ng pekeng quarantine certificate upang makauwi sa lalawigang ito.
Naglabas na rin ng anunsyo si Provincial Health Office spokesperson Dr. Franchette Panti na positibo sa COVID- 19 ang OFW batay sa tawag mula sa Bureau of Quarantine, subalit nakauwi sa bayan ng San Miguel.
Mayo 23 nang dumating ito sa Filipinas at dinala sa isang hotel sa Makati hanggang Hunyo 5.
Hunyo 6 naman nang ibiyahe mula sa Maynila hanggang Tabaco, Albay kung saan nagpakita ito ng quarantine certificate na may petsang Hunyo 5 at sertipikasyon na “COVID-19 free.”
Nakarating pa ito sa Tabaco City noong Hunyo 7 at nagpalipas ng isang gabi sa Tabaco National High School na nagsilbing quarantine facility, sumabay sa morning trip pauwi sa Catanduanes noong Hunyo 8 at sinalubong pa ng Rural Health Unit team patungo sa pasilidad sa San Miguel.
Nagsagawa na rin ng contract tracing ang lokal na pamahalaan upang mapigilan ang posibilidad na pagkahawa nito.
Kasong civil at criminal liabilities ang posibleng kaharapin ng OFW. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM