BUMABA sa kauna-unahang pagkakataon ang COVID-19 positivity rate sa Metro Manila.
Ayon kay OCTA Research Fellow Dr. Guido David, bumagsak sa 16.4% ang positivity rate sa rehiyon nitong Agosto 12 kumpara sa 17.5% noong nakaraang linggo.
Pero mas mataas pa rin ito sa itinakdang threshold ng World Health Organization (WHO) na 5%.
Magandang senyales naman para kay David ang bagong datos dahil ipinapakita nito na nag-peak na ang COVID-19 cases sa National Capital Region (NCR).
Samantala, bumuo na ng task force ang lokal na pamahalaan ng Makati na magmo-monitor sa kaso ng monkeypox cases sa lungsod at mapigilan ang pagkalat nito.
Ayon kay Makati Mayor Abby Binay, responsable ang task force sa pagpapakalat ng impormasyon kung paano mapipigilan ang pagkalat ng fake news kaugnay sa monkeypox.
Pinaplano rin ni Binay na isama ang monkeypox data sa COVID-19 tracker, upang magamit sa pagdedesisyon kung magpapatupad ng granular lockdowns upang mapigilan ang community transmission.
Sa ngayon, bagaman wala pang kaso ng monkeypox sa Makati City ay patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) para sa testing ng virus.