COVID-19 PROTOCOLS SA FACE-TO-FACE CLASSES HIGPITAN

BAGAMAN pinapurihan ni Senador Win Gatchalian ang pagsisimula ng pilot run ng limited face-to-face classes sa basic education, iginiit nito na dapat ipatupad pa rin nang mahigpit ang health protocols upang maiwasan ang hawaan ng COVID-19 sa mga paaralan.

Tinukoy ni Gatchalian ang kahalagahan ng maayos na ventilation at sapat na pasilidad para sa water, sanitation, at hygiene (WASH). Dapat din aniyang magkaroon ng maayos na contract tracing at surveillance system ang mga local government units (LGUs). Higit sa lahat, dapat na bakunahan lahat ng mga guro at mga mag-aaral na nasa tamang edad. Ito ay upang tumaas din ang kumpiyansa ng mga magulang at mga komunidad sa muling pagbubukas ng mga paaralan.

“Matapos ang mahigit isang taon na walang face-to-face classes, sa wakas ay sinimulan na natin ang unti-unting pagbabalik ng mga mag-aaral sa kanilang mga paaralan. Kasabay nito, dapat prayoridad pa rin natin ang kalusugan at kaligtasan ng ating mga mag-aaral at mga guro,” ani Gatchalian.

Nakatakdang dumalaw ang chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture sa ilang mga paaralan sa unang araw ng pilot test ng limited face-to-face classes.

Habang inaasahan naman ng gobyerno na palalawigin sa susunod na taon ang pilot implementation ng limited face-to-face classes, pinatitiyak naman ni Gatchalian na magiging prayoridad sa 2022 budget ng Department of Education (DepEd) ang ligtas na pagbubukas ng mga paaralan.

Matatandaang pinuna ni Gatchalian na sa ilalim ng mahigit limang bilyong (5.4) pisong inilaan ng National Expenditure Program (NEP) 2022 para sa Basic Education Facilities, mahigit tatlong daan at limampung (358) milyong piso lamang ang inilaan para sa Priority School Health Facilities. Ito ay para sa pagpapatayo, pagpapalit, at pagkukumpuni ng mga water system, handwashing facilities, toilet facilities, at iba pang health at sanitation-related facilities.

Ayon kay Gatchalian, baka kulangin ang naturang halaga para sa mahigit pitong libong (7,292) paaralan sa elementarya, mahigit dalawang libo (2,082) sa junior high school, at mahigit dalawang libo (2,085) rin sa senior high school na wala pang sapat na pasilidad para sa paghugas ng kamay.

Ipinanukala rin ni Gatchalian na gawing batayan ang alert levels na itinalaga sa mga LGU sa pagpili ng mga lugar na maaaring magsagawa ng face-to-face classes. VICKY CERVALES