INIHAYAG ni Defense Officer In-Charge Senior Undersecretary Jose C. Faustino na walang magiging problema kung tuluyang mailipat sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang tungkulin para sa pagtugon ng gobyerno sa COVID-19 pandemic.
Ayon kay Defense Spokesperson Director Arsenio Andolong na walang inaasahang malaking pagbabago sa magiging trabaho ng NDRRMC ngayong inilipat na ang mandato ng National Task Force Against COVID-19.
Aniya, hindi na maninibago ang ahensiya dahil miyembro rin naman ng National Task Force (NTF) Against COVID-19 ang NDRRMC.
Binigyang diin ni Faustino na hindi bago ito sa ahensiya dahil may platform ng nakalatag at ginagamit ang NDRRMC sa pagtugon sa pandemya partikular sa paglulunsad ng mass vaccination, medical survey and response kung saan miyembro din nila ang Department of Health .
Idinagdag pa nito na magiging hands on na ang NDRRMC sa usapin ng pagtugon sa COVID-19 pandemic.
Ang NDRRMC ay nasa ilalim ng Office of Civil Defense (OCD) na nasa pangangasiwa ng Department of National Defense (DND).
Paliwanag pa ni Andolong, katulad ng pagtutok ng NDRRMC sa tuwing may kalamidad, ganito rin ang gagawin nilang pagtugon sa pandemya ng COVID-19 kung saan ay nadagdagan lamang ang kanilang tututukan. VERLIN RUIZ