IKINABABAHALA ng mga obispo ng Simbahang ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Quezon City Jail at itinuturing itong isang bangungot.
Ayon kay Bishop Joel Baylon, ng Episcopal Commission on Prison Pastoral Care ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), umaasa silang magiging epektibo ang mga pamamaraang inilatag ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at mapipigilan ang pagkalat ng virus sa naturang bilangguan.
Nauna rito, iniulat ng BJMP na siyam na bilanggo at siyam na personnel ng QC jail ang nagpositibo sa virus.
Nabatid na ang mga infected na inmates ay dinala na sa isang quarantine facility sa Payatas, habang nagsasagawa na rin ang BJMP ng ekstensibong contact tracing upang mapigilan ang pagkalat ng nakahahawa at nakamamatay na respiratory disease.
Ang mga empleyado naman ay pinayuhang mag-home quarantine dahil wala namang malalang sintomas ng virus ang mga ito.
“We hope and pray that the protocols which have been set in motion will help these patients to recover fast and further prevent the spread of the disease,” ani Baylon.
Samantala, sa panig naman ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, na siya ring bise president ng CBCP, maituturing na bangungot ang nangyari sa bilangguan.
“The nightmare for prisoners has begun. That makes all of them inside PUIs (persons under investigation) and PUMs (persons under monitoring),” aniya pa.
Una naman nang pinayuhan ni San Carlos Bishop Gerardo Alminaza ang pamahalaan na kaagad na aksiyunan ang pag-decongest sa mga bilangguan at pagsasagawa ng mass testing.
“Or else, God forbid, prisons and those in them may sink like ill-fated Diamond Princess and other cruise ships, as physical distancing and self-isolation are spatially impossible,” babala pa ni Alminaza.
“Political prisoners, the sick, the elderly and those detained on petty crimes and misdemeanor may all be considered for release – this is a matter of life and death, calling for extraordinary measures,” aniya pa. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.