IGINIIT ng Department of Health (DOH) na hindi pa maaaring maging “endemic” ang sitwasyon sa bansa sa kabila ng bumababang kaso ng COVID-19.
Ayon kay Health Undersecretary Spokesperson Maria Rosario Vergeire, mahalaga na makitang tumataas ang immunity maging ang vaccination rate sa isang lugar.
Bukod pa rito, kailangan din na mapababa ang bilang ng mga nasawi bunsod ng COVID-19.
Matatandaang ibinaba na sa “moderate” ang risk classification ng Pilipinas para sa COVID-19 kung saan patuloy pa ring binabantayan ng OCTA Research ang bawat lugar sa bansa.
Inaasahan namang mas bubuti pa ang mga binabantayang numero sa daily COVID-19 cases sa mga susunod na araw.
Nitong Miyerkoles ay inihayag ng National Task Force Against COVID-19 (NTF COVID-19) na gumagawa sila ng plano sa pagtugon sa COVID-19 endemic sa halip na sa pandemic.
Ang endemic ay kapag ang isang sakit ay regular na matatagpuan sa mga partikular na tao o sa isang partikular na lugar habang ang isang pandemya ay kapag ang isang sakit ay laganap sa isang buong bansa o sa mundo.
“I think we’re already headed in that direction. In fact, napakabilis po ng decisions ng IATF (Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases) at ng NTF nitong mga nakaraang araw sa pagbaba ng Alert Level 2 sa NCR, sa pag-lift ng quarantine restrictions for incoming passengers,” ayon kay NTF deputy chief implementer, Secretary Vince Dizon.