PINAALALAHANAN ng Philippine College of Physicians (PCP) ang publiko na huwag magpabaya at huwag maging kampante laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito’y matapos na maobserbahan ng mga doktor na dumarami ang bilang ng mga Pinoy na dinadapuan ng severe at critical cases ng virus.
Ayon kay PCP Vice President Ma. Encarnita Limpin, bagamat unti-unti nang bumababa ang mga bilang ng mga naitatalang bagong pasyente ng COVID-19 sa bansa ay kapansin-pansin naman na dumarami ang bilang ng mga kasong nagiging malala at kritikal ang karamdaman.
Sinabi ni Limpin na nakikita ng mga healthcare WORKER na mas maraming mga pasyente ang nangangailangang ma-confine sa intensive care units (ICU) kaya’t mahigpit ang kanyang paalala sa mga mamamayan na ipagpatuloy ang pagiging maingat upang hindi mahawahan ng virus.
Pinaalahanan pa niya ang publiko na patuloy na obserbahan ang safety protocols gaya nang madalas na paghuhugas ng kamay, pagsusuot ng face mask at face shield at pag-obserba ng physical distancing.
Babala niya, kung magiging pabaya aniya at magiging relaks ang mga mamamayan ay maaaring magkaroon muli ng pagtaas ng mga kaso ng sakit.
Kaugnay nito, tiniyak naman ni Limpin na hindi nagpapabaya ang mga healthcare worker kahit pa bumabagal na ang pagdami ng mga bagong COVID-19 cases at unti-unti na umano nilang naoobserbahan ang pagkapatag ng pandemic curve sa bansa.
“Ibig sabihin ho nito, hindi ho tayo pwedeng mag-relax, at kung titingnan natin sa ngayon, pataas ho nang pataas ang dami ng mga kaso na severe o kaya critical,” ani Limpin, sa isang online forum.
“Dahil sa sitwasyon na ito, hindi ho namin masabi, kaming mga nasa frontlines, kaming mga nag-aalaga sa inyo, sa kalusugan ng ating mamamayang Pilipino, hindi ho namin talaga masabi na nakapagpapahinga ho kami,” aniya pa.
Samantala, nagpaalala rin naman si Limpin sa pamahalaan na maging maingat sa pagpapaluwag pa ng quarantine restrictions dahil posible itong maging dahilan nang muling pagdami ng mga taong magkakahawahan ng COVID-19.
Nabatid na ang PCP ay miyembro ng Healthcare Professionals Alliance Against COVID-19 (HPAAC), ang koalisyon ng mga medical workers na nanawagan sa pamahalaan ng timeout kamakailan dahil sa pagdami ng COVID-19 cases sa Pilipinas.
Sa pinakahuling tala ng Department of Health (DOH), nakapagtala na ang Pilipinas ng mahigit sa 290,190 COVID-19 cases.
Sa naturang bilang ay halos 55,000 pa ang itinuturing na aktibong kaso, at 86.6% sa mga ito ang mild cases, 8.9% ang asymptomatic o walang sintomas, 1.4% ang severe at 3.1% naman ang kritikal.
Nasa mahigit 230,000 naman na ang nakarekober na sa sakit at halos 5,000 pasyente na ang binawian ng buhay. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.