COVID-19 SHOTS SA MGA SANGGOL

MAKABUBUTI kung maisasali na rin sana sa pagbabakuna ang mga batang may dalawang taong gulang pababa.

Ayon kay Dr. Rontgene Solante, isang infectious disease expert sa Laging Handa public briefing na sa ngayon ay pinag-aaralan pa lamang ng food and drug administration (FDA) kung anong bakuna ang pwede sa batang edad 2 pababa.

Lumabas sa ilang ulat na tumaas ang kaso ng COVID-19 sa nasabing age group.

Aminado si Solante na bagaman may mga bansa nang nagsasagawa ng pagbabakuna laban sa COVID-19 sa mga batang dalawang taong gulang pababa ay hindi pa ganoon kapumpiyansang gawin din ito sa Pilipinas.

Sinabi ni Solante na kailangan munang makita ang resulta ng mga clinical trial sa ganitong age group na ginawa sa ibang mga bansa upang nasubaybayan kung gaano kaganda ang datos nito sa usapin ng pagiging epektibo ng bakuna at kung ano ang adverse reaction na idudulot nito.

Tinukoy ang ilan lamang sa mga bansang nagbabakuna na ang mga batang dalawang taong gulang pababa ay ang Latin America at ilang bahagi ng Asia tulad ng China.

Sa ngayon, sinabi ni Solante na tanging ang mga batang limang taong gulang pataas at kuwalipikadong bakunahan pa lamang sa COVID-19 ang maari sa Pilipinas pero sa piling bakuna pa lamang.

Dahil dito, umapela si Solante sa mga magulang na ingatan ng husto ang kanilang mga anak at huwag ilantad sa mga mas nakatatandang nakararanas ng sintomas dahil mas mataas ang tsansa na maging mas severe ang kaso kapag nahawaan ng COVID-19 ang mga batang nasa murang edad dahil wala pang gamot para sa kanila kundi supporting treatment lamang. Beth C