COVID-19 STORAGE FACILITY SA MAYNILA ITINATAYO NA

BILANG paghahanda sa pagdating ng COVID-19 vaccines, sinimulan nang itayo sa Maynila ng sto­rage facility nito kasabay ng pagbibigay ng libreng swab tests simula sa darating na Linggo.

Ito ang anunsiyo ni Manila Mayor Isko nang bisitahin ang itinatayong “Manila COVID-19 Sto­rage Facility” na matatag­puan sa ika-7 palapag ng Sta. Ana Hospital.

Nabatid na ang pagtatayo ng nasabing pasilidad ang magsisilbing imbakan ng COVID-19 vaccines na inorder ng lungsod para maprotektahan ang bisa ng bakuna na aabutin ng ilang linggo bago matapos.

Ang Sta. Ana Hospital ay siya rin lokasyon ng Manila Infectious Disease Control Center (MIDCC).

Nauna rito, noong Lunes nilagdaan ni Moreno ang isang dokumento para sa pagbili ng bakuna na ipagkakaloob sa 400,000 katao, 12 refrigeration system units para sa vaccine storage at 50 units ng transport coolers kung saan ilalagay ang mga vaccine habang ibinibiyahe para mapangalagaan ang bisa nito.

Umaabot sa P8 milyon ang halaga ng freezers at transport coolers na maaring gamitin ng six city-run hospitals kahit matapos ang pandemya.

Samantala, sinabi ni Moreno na ang patuloy ang inisyatibo ng pamahalaang lungsod na kontrolin ang bilang ng kaso ng coronavirus sa pamamagitan ng free drive-thru swab testing na bukas sa mga motorista kung saan ang testing cen­ter ay mag-ooperate na sa Quirino Grandstand simula sa Lunes, Enero 18.

Gayundin, tuloy ang pagbibigay ng libreng sero­logy tests sa pareho rin lugar para sa mga motoristang residente at hindi residente ng Maynila.Ganito rin ang ipinagkakaloob ng City hospitals para sa non-motorists o walk-in patients.

Ayon sa alkalde, 100 pasyente lang ang maa­ring ma-swabbed araw-araw at by appointment kaya’t payo nito, ang lahat ng interesado ay magpa-book ng schedule sa Manila Emergency Operation Center ng Manila Health Department sa pamamagitan ng pagtawag sa mga cellphone numbers: 09052423327; 09983226367; 09636023177 at 0955587597. VERLIN RUIZ

Comments are closed.