COVID-19 SURVIVORS PINAG-IINGAT SA REINFECTION

Maria Rosario Vergeire

WALA pang katiyakan kung hindi na  muling dadapuan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang isang survivor nito o yaong pasyente na gumaling na mula sa naturang sakit.

Reaksiyon ito ni Health Undersecretary at Spokesperson Maria Rosario Vergeire kahapon matapos na maitala sa Hongkong ang sinasabing unang kumpirmadong kaso ng “reinfection” sa buong mundo.

Ayon kay Vergeire, walang sapat na ebidensya at kulang ang mga datos sa ‘post-infection’ ng mga pasyente.

Maging ang World Health Organization (WHO)  ay wala pa ring sapat na kaalaman ukol sa ‘immunity’ ng mga dating pasyente.

Tiniyak naman ni Vergeire na patuloy na binabantayan ng DOH ang mga pag-aaral ng mga eksperto hanggang sa magkaroon na ng sapat na mga basehan at detalye ukol dito.

Habang isinasagawa naman ito, pinaalalahanan ng DOH ang lahat, kabilang ang mga COVID survivor, na magpatupad ng ibayong pag-iingat at sumunod sa ‘minimum health standards’ upang hindi dapuang muli ng virus.

Sa Filipinas, marami na ang naiulat na muling nagpositibo sa COVID ngunit karamihan din ay sinasabing mga natirang patay na bahagi na lamang ng virus ang natukoy sa kanilang RT-PCR test. ANA ROSARIO

HERNANDEZ

Comments are closed.