APRUBADO na ng Research Institute for Tropical Medicine-Department of Health (RITM-DOH) ang isinulong ng Philippine National Police (PNP) na COVID-19 Testing Center –RT-PCR (Reverse Transcription –Polymerase Chain Reaction).
Ayon kay PNP Deputy Chief for Administration Lt. Gen. Camilo Pancratius Cascolan, commander ng Administrative Support to COVID-19 Operations Task Force (ASCOTF), natanggap na nila ang certification na pinadala ng RITM-DOH na may petsang Mayo 13, 2020.
Ito ay nang makatugon sila sa requirement na ang 15 personnel ng PNP Crime Laboratory ang makapagsanay bilang operator ng RT-PCR.
Sa nasabing sertipikasyon na pirmado ni Dr. Nestor F. Santiago, MD, MPHC, MHSA, CESO III, COVID-19 Lab Operations Team Lead ng RITM-DOH, nakasaad na ang Molecular Laboratory na PNP Crime Laboratory COVID-19 RT-PCR Testing Facility ay maaaring gumanap bilang independent testing center for COVID-19 (SARS-CoV-2) by Realtime PCR.
Magugunitang unang hiniling ni Cascolan sa RITM-DOH na magkaroon sila ng RT-PCR Testing Center sa loob ng kanilang PNP Crime Lab upang ma-test ang kanilang mga tauhan na dinapuan ng coronavirus.
Abril 14 nang magtungo ang team mula sa RITM-DOH sa Camp Crame at siniyasat ang pasilidad katuwang ang kinatawan ng PNP Health Service kung saan ibinigay sa kanila ang mga requirement para magkaroon ng sariling COVID-19 Testing Center.
Sa ngayon, sinabi ni Cascolan na hinihintay na lamang nila ang license to operate at tiniyak na handa na rin ang nasabing pasilidad para ma-test ang mga pulis na apektado ng coronavirus.
Paglilinaw naman ni Cascolan na hindi lamang ang mga pulis ang makikkinabang sa nasabing COVID-19 Testing Center dahil alinsunod sa direktiba ni PNP Chief, Gen. Archie Francisco Gamboa, bubuksan din ang pasilidad sa iba pang pasyente gaya ng mga sibilyan. PMRT
Comments are closed.