INAASAHANG ilulunsad o pasisinayaan ni Philippine National Police (PNP) Chief, Gen. Archie Francisco Gamboa ang kanilang COVID-19 Testing Center sa madaling panahon sa loob ng Camp Crame sa Quezon City.
Ayon kay Lt. Gen. Camilo Pancratius Cascolan, PNP Deputy Chief for Administration at commander ng Administrative Support to COVID-19 Operations Task Force (ASCOTF) noong Mayo 22 ay natanggap na nila ang license to operate na inisyu ng Department of Health (DOH) siyam na araw makaraang matanggap nila ang sertipikasyon noong Mayo 13 mula sa Reseach Institute for Tropical Medicine-DOH na nangangahulugang pasado ang kanilang pasilidad para mag-perform ng RT-PCR (reverse transcription-polymerase chain reaction) test sa mga pulis na infected ng coronavirus.
Ang issuance ng RITM-DOH certificate ay resulta ng 4-day training ng 15 personnel ng PNP Crime Laboratory sa UP – National Institutes of Health na nagsimula noong Abril 27 gayundin ang compliance na magkaroon ng sapat na lab equipment ang pasilidad.
Ang nasabing personnel ang siyang magiging operator ng RT-PCR.
Samantala, sinabi ni Cascolan na ang testing center ay pansamantalang nasa loob ng PNP Crime Lab at sa mga susunod na panahon ay magtatayo ng permanenteng pasilidad na may sukat na 84 square meter sa likod ng gusali ng PNP Health Service.
Uunahing i-test ang frontliner cops at tail enders para agad mapigilan ang pagkakahawa-hawa.
Habang posible ring buksan ang pasilidad sa mga sibilyan alinsunod sa gabay ng DOH.
Hanggang nitong Mayo 22 ay 777 ang bilang ng mga pulis na probable person under investigation (PUIs), 575 suspect PUIs, 263 confirmed COVID-19 positive, 102 pulis ang nakarekober habang apat ang nasawi. PILIPINO Mirror Reportorial Team
Comments are closed.