(COVID-19 Testing Center sa Crame abot-kamay na) 4 PNP CRIME LAB PERSONNEL SINASANAY NA SA RT-PCR TESTING

Cascolan

UMUSAD patungo sa katuparan ang pagnanais ng Philippine National Police (PNP) na magkaroon ng sariling COVID-19 Testing Center para sa kanilang mga tauhan na apektado ng nasabing sakit.

Inihayag ni PNP Deputy Chief for Administration at PNP-Administrative Support to COVID-19 Operations Task Force (ASCOTF) Commander,  Lt. Gen. Camilo Pancratius Cascolan na inaprubahan ng Research Institute for Tropical Medicine –Department of Health (RITM-DOH) ang pagsasanay ng 15 personnel ng crime laboratory (CL) para sa Reverse Transcription (Real Time) – Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) testing.

Sa tugon na liham ni Dr. Celia C. Carlos, Director IV, officer-in-charge ng RITM na may petsang Abril 27 kay Cascolan, nakasaad na pinapahintulan ang pagsasanay ng mga personnel ng PNP Crime Laboratory para sa Screening Test of COVID-19 gamit ang RT-PCR na nagsimula kahapon, Abril 28.

“The University of the Philippines –National Institutes of Health (UP-NIH) will be able to accommodate four of your personnel to the training on The Screening Test of COVID-19 by Real-Time PCR,” bahagi ng liham ni Carlos na may kopya rin para sa DOH.

Ang pagsasailalim sa training ng mga CL personnel ay bahagi ng requirement para magkaroon ng sariling COVID-19 testing center  ang PNP para sa kanilang mga tauhan na apektado ng pandemic.

Paglilinaw naman ni Cascolan, batay sa ulat sa kaniya ng taga-PNP Health Service, sa V. Luna Hospital nagsasanay ang unang apat na personnel at apat na araw ding ang kanilang training upang lubos na maunawaan ang RT-PCR.

“The letter indicates 2 days of training but the RITM advised them (CL personnel) to have them 4-day training for better appreciation,” ayon kay Cascolan.

Bukod aniya sa unang apat na nakasalang na sa pagsasanay sa V. Luna, naghahanda na rin ang iba pang apat na CL personnel para sa RT-PCR test o COVID-19 testing bago ang pagsasanay.

Habang ang natitirang pito ay isinasaayos na rin ang schedule batay sa report ng PNP-HS kay Cascolan.

Ang pagsasailalim sa training para sa RT-PCR ng CL personnel ay tugon ng PNP sa requirement RITM-DOH na upang ma-certify ang itatayong RT-PCR test ay dapat may kasanayan ang laboratory personnel hinggil sa nasabing testing.

Magugunitang noong Abril 14 ay nagtungo ang DOH-RITM-WHO sa PNP Crime laboratory kasunod ng kahilingan ni Cascolan na maging testing center ang laboratoryo.

Subalit sa assessment ay kinailangan na magkaroon ng sapat na bentilasyon ang pasilidad para matiyak ang kaligtasan ng personnel laban sa coronavirus, bumili ang iba pang lab equipment at pagsasanay sa personnel.

Noong Abril 20 ay lumiham ng kahilingan si Cascolan kay Health Usec. Ma. Rosario Vergeire at naka-attention kay Carlos para isailalim sa training ang 15 CL personnel para nasabing programa ng PNP-ASCOTF.

Kamakailan din ay inanunsyo sa virtual presser ni PNP Chief, Gen. Archie Francisco Gamboa na nagsusumikap silang maaprubahan ng health authorities ang itinatayo nilang COVID-19 center na nasa loob ng PNP crime lab.

Ito aniya ay upang matulungan ang kanilang mga tauhan na nahawa ng coronavirus na sumampa na sa 84 ang kumpirmadong kaso, 546 ang suspect at 149 ang probable habang 12 ang nakarekober. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM