COVID-19 VACCINE BOOSTER SHOT SA STUDES PINASISIMULAN NA

HINIMOK  ni President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang mga lokal na pamahalaan na simulan na ang pag-arangkada ng mga COVID-19 vaccine booster shot sa mga mag-aaral upang makabalik na ang mga ito nang ligtas sa mga paaralan sa Agosto o Setyembre.

Aniya, dapat suportahan ang kampanya ng gobyerno sa pagbabakuna ng COVID-19 vaccine booster shot para ligtas nang makapagbukas ng buo ang ekonomiya at ang 100% porsiyentong implementasyon ng face-to-face classes.

Bukod pa rito upang makatiyak aniya na wala nang magaganap na lockdown.

Samantala, tiniyak ng League of Provinces of the Philippines (LPP) na susunod sila sa hiling ni Pangulong Marcos Jr. na paigtingin ang rollout ng COVID-19 booster shots.

Ayon kay LPP President Presbitero Velasco Jr., buo ang suporta ng mga gobernador sa panawagan ni Marcos Jr. na gawin ang lahat sa rollout ng booster jabs.

Aniya, naniniwala rin siya na epektibo ang booster para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.

Bukod dito, paiigtingin din ng mga gobernador ang pagpapatupad ng health protocols tulad ng pagsusuot ng face masks at social distancing.

Matatandaang inatasan ni Marcos Jr. ang mga bagong halal na gobernador at alkalde na paigtingin ang pagbabakuna ng booster para sa ligtas na pagbabalik ng in-person classes at matiyak na hindi na maulit ang pagpapatupad ng lockdown.