KAUGNAY na rin sa isyu ng legalidad, turuan at magkaka ibang pahayag hinggil sa pinagmulan ng experimental COVID-19 vaccines na tinurok sa mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) partikular ang Presidential Security Group (PSG) ni Pangulong Rodrigo Duterte, inamin ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na smuggled ang ginamit na vaccine.
Ani Lorenzana, pinuslit ang bakunang ginamit ng mga sundalo habang ang mga awtoridad sa pangunguna ng Food and Drugs Administration (FDA) ay nag iimbestiga kung paano nakalusot sa border inspection ang Sinovac at kung sino ang nag-awtorisa para ibakuna ito sa hanay ng PSG.
“Yes, it’s smuggled. Kasi hindi authorized na pumasok dito . Only the government can authorize that through the FDA (Food and Drug Administration),” anang kalihim sa ginanap na Rizal Day celebration sa Maynila.
Ayon kay Lorenzana ang inoculation na ginawa sa mga PSG ay hindi awtorisado at hindi rin umano niya alam kung sino ang nag donate ng vaccines na likha ng Chinese drug maker Sinopharm.
“Basta alam namin noon, ang rumors na kumakalat ay nagpabakuna na ‘yong PSG. Who authorized it, hindi naman kami nagtanong,” diin ni Lorenzana.
Nauna nang ng inihayag ng AFP na wala silang alam hinggil sa pagpapabakunang mga sundalo hanggang sa kumpirmahin ito ni Philippine Army chief Lt. Gen. Cirilito Sobejana
Sa pahayag naman ni PSG chief Jesus Durante, buwan pa ng Setyembre nang pasimula ang inoculation sa kanyang mga tauhan.
“It started actually September and the last batch October…All of the personnel inoculated so far are doing good. No side effects whatsoever,” ani Durante.
May mga nagsasabing maaring maharap sa administrative at civil cases ang mga indibidwal na nasa likod ng pamamahagi sa pinaniniwalaang smuggled COVID-19 vaccines.
Gayundin, sinabi ng Bureau of Customs (BOC) na wala itong natanggap na impormasyon tungkol sa pagpapadala ng mga COVID-19 vaccines na ipinamahagi sa miyembro ng PSG.
Ayon kay BOC assistant commissioner at spokesperson Philip Vincent Maronilla, lahat ng COVID-19 vaccines na papasok sa bansa ay dapat siguraduhin na may permit mula sa FDA.
Aniya, ang mga ganitong klase ng produkto ay kinakailangan ng lisensiya mula sa FDA upang simulan ang kanilang operasyon.
Dahil dito, magsasagawa ang BOC ng imbestigasyon kaungay sa provisional authority mula sa ahensiya.
“Based on our records, wala pong nag-declare sa amin ng vaccines (no one has declared vaccines),” ani Maronilla.
Hinihinalang dinaan ang vaccine sa airport dahil kailangan umano nito ang cold storage.
At kahit pa sabihin na donasyon ito ay kailangan pa rin ng approval mula sa FDA.
“As of date, the FDA has not issued any emergency use authorization (EUA) to any vaccine for COVID-19. Without the proper authorization, there is no guarantee on the safety, quality and efficacy of said vaccine as the same has not undergone the required technical evaluation by the FDA,” giit naman ni FDA Director General Eric Domingo. VERLIN RUIZ
Comments are closed.