INATASAN ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na bantayan at pangalagaan ang lahat ng mga paparating na COVID-19 vaccines.
Ito ay bilang pagtalima na rin sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Kaugnay nito, inatasan din ng DILG ang PNP na makipag-ugnayan sa local government units (LGUs) para matiyak na makararating ng maayos ang mga bakuna sa mga tamang recipient lalo na sa mga malalayong ugar.
Ayon kay DILG Officer-in-Charge (OIC) and Undersecretary Bernardo C. Florece, Jr., halos kasing halaga ng ginto ang mga paparating na bakuna at kailangan na ma-protektahan ito at maihatid ng PNP sa kanilang mga itinakdang pagdadalhan.
“Ang mga bakuna na ‘yan ay parang ginto lalo na ngayong kulang pa ang supply kaya pinaghahanda natin ang PNP sa anumang insidente,” ani Flocere.
“More than a historical milestone, the national vaccination program aims to save lives and will put an end to this pandemic. We direct the PNP to be in close coordination with the LGUs so that these vaccines are secured and protected,” diin pa nito.
Aniya, pagdating sa airport hanggang sa maiturok ang mga ito, kasamang nakatutok at nagbabantay ang mga pulis.
Sa darating na Lunes, Pebrero 15, target ng gobyerno na mapasimulan na ang COVID-19 vaccination sa hanay ng frontline healthcare workers mula sa 117,000 doses ng initial batch mula Pfizer-BioNTech.
Plano ng National Task Force COVID-19 na maturukan ang may 1.4 milyong Filipino na kabilang healthcare sector.
Kaugnay nito, tiniyak ni AFP Chief of Staff Lt. Gen Cirilito Sobejana na hindi magtatagumpay ang CPP-NPA sa kanilang plano na maglunsad ng pananabotahe sa gagawing delivery ng mga bakuna sa buong bansa.
Siniguro ni Sobejana na handa ang militar sa ganitong mga sitwasyon at may sapat silang puwersa para panatilihin ang peace and order lalo na sa mga lugar na unstable ang seguridad at may local terorists na nag-o-operate.
Inatang ng pamahalaan sa AFP at PNP ang pangangalaga ng seguridad sa rollout ng mga bakuna.
Bukod sa security preparation, imomobilisa rin ng AFP ang kanilang air, ground at sea assets para sa delivery ng mga bakuna sa buong bansa. VERLIN RUIZ
Comments are closed.