NAKATAKDANG magbigay ng Covid care bonus ang pamahalaang Germany sa mga frontline worker, kabilang ang mga Filipino healthcare worker, na nagtrabaho sa iba’t ibang healthcare institution sa Germany sa kasagsagan ng pandemya.
Batay sa ulat kay Labor Secretary Silvestre Bello III ni Labor Attaché Delmer Cruz ng Philippine Overseas Labor Office sa Berlin, sinabi nito na naglaan ang pamahalaang Germany ng 1 bilyong Euros para sa ‘COVID care bonus,’ na pantay na ipamamahagi sa mga nurse sa care homes at mga nurse sa ospital.
Agad na pinasalamatan ni Bello ang inisyatibong ito ng pamahalaang Germany.
“Talagang kapuri-puri ang inisyatibo ng Germany na bigyang gantimpala ang mga frontline worker pati na ang ating mga manggagawa para sa kanilang serbisyo sa panahon ng pandemya. Ito ay magsisilbing inspirasyon sa ating mga healthcare workers sa pagbibigay ng kalidad na serbisyo kung saan kilala ang mga Filipino kahit na sa gitna ng krisis,” ani Bello
Tatanggap ng insentibo mula 60-550 Euros o P3,400-P31,000 ang mga healthcare worker na nasa elderly care.
Kabilang sa mga makikinabang ang mga nursing staff na nagtrabaho sa geriatric care nang hindi bababa sa tatlong buwan sa pagitan ng Nobyembre 1, 2020 at Hunyo 30, 2022, at nagtatrabaho pa rin hanggang Hunyo 30.
Kasama sa benepisaryo ang mga support staff, tulad ng administrator, at mga namamahala sa building services, kitchen, cleaning, reception and security services, gardening and ground maintenance, at laundry o logistic.
Makatatanggap din ng insentibo ang mga trainee sa elderly care, iba pang empleyado, volunteer, at lumahok sa ‘voluntary social year’ scheme.
Ang mga may-ari ng ospital ang mamamahala sa pamamahagi ng bonus sa kanilang mga empleyado.
Ipinahayag ni German Health Minister Karl Lauterbach na isinumite na ang plano sa health committee para sa pagsusuri, at ang pagbabayad ay maaaring magsimula ngayong Hunyo 30.
Sinabi ni Ministro Lauterbach na ang pamahalaang Germany ay nakatakdang itaas ang pangkalahatang kalagayan ng mga tagapag-alaga sa pamamagitan ng bagong staffing system at mas magandang kondisyon sa pagtatrabaho.
Idinagdag din niya na ang insentibo ay panimula pa lamang para sa isang mas malawak na pamamaraan upang gawing mas kaakit-akit na propesyon ang nursing. LIZA SORIANO