COVID CASES, POSIBLENG LUMOBO MATAPOS ANG PASKO

Imee Marcos

NANANAWAGAN si Senadora Imee Marcos sa pamahalaan na paghandaan ang posibleng paglobo ng mga kaso ng Covid-19 pagkatapos ng Pasko.

Ito’y kahit pa nananatili ang mga community quarantine, may karaoke ban, at kinokonsiderang gagamitan ng yantok ang pagpapatupad ng health protocols.

Sinabi ni Marcos na ang malapiyesta kasing espiritu ng pagdiriwang ng Pasko at “quarantine fatigue” ay posibleng magdulot ng mas mataas pang kaso ng impeksiyon na kapansin-pansing nananatiling mataas noong katapusan ng Nobyembre partikular sa Metro Manila,  Batangas,  Iloilo City,  Bacolod City,  Tacloban City,  Iligan City at Lanao del Sur.

“Tapusin na natin at ikasa kung anong sistema ng ‘contact-tracing’ ang dapat na ipatupad, ano’ng contigency measures sa mga ospital kapag naging kritikal na ang level ng kaso ng virus, at anong mekanismo ang puwedeng ipatupad para makaagapay ang local government units,” diin ng senadora.

“Maaaring manatili ang public health emergency hanggang sa susunod na taon, at mawawalan na ng bisa ang Bayanihan 2 kapag nag-adjourn na ang Kongreso sa susunod na Linggo,” punto pa nito.

Binigyang-diin nito ang kanyang panawagan sa Senate Bill 1921 na palawigin hanggang December 31, 2021 ang stand-by powers ng Pangulo sa ilalim ng Bayanihan To Recover As One Act bilang tugon sa pandemya.

“Ngayong nagkasundo na ang bicam sa napakamasalimuot na national budget, mahalagang mapalawig pa ang Bayanihan 2,” giit ni Marcos.

Inihayag nito  na ang P10 billion na inilaan para sa pagbili ng bakuna sa ilalim ng Bayanihan 2 ay magiging karagdagan sa limitadong P2.5-billion na panggugol para sa 2021 national badyet.

“Ang malaking bahagi ng P72.5 billion sa badyet ng susunod na taon para sa pagbili ng bakuna, pag-iimbakan nito, at maging delivery ay mga unprogrammed fund na maaari o di-maaaring dumating, depende sa kikitain ng gobyerno na maaring mabuo,” paliwanag ni Marcos.

Dagdag ni Marcos, sakaling muling dumami ang bilang ng magkakasakit sa bansa pagpasok ng susunod na taon ay posibleng magdulot ng muling pagpapatupad ng mas mahigpit na quarantine restrictions, na magpapahina sa mga negosyo, at hamon na humanap ng pagkakakitaan. VICKY CERVALES

Comments are closed.