MAGTATALAGA ang pamahalaan ng Parañaque ng isang ospital para sa pasyente ng coronavirus disease o COVID-19.
Nagdesisyon si Parañaque City Mayor Edwin L. Olivarez na i-convert ang kaka-inagurate pa lamang na ospital sa Barangay Don Bosco na Ospital ng Paranaque II (OSPAR II) para maging eksklusibong ospital sa mga may sakit na may kinalaman sa COVID-19.
Inatasan ni Olivarez si City Epidemiologist Dr. Darius Sebastian upang pamunuan ang pagco-convert ng OSPAR II bilang isolation area ng mga pasyenteng may kinalaman sa COVID-19 gayundin din ang pagdi-disinfect ng naturang ospital.
Ayon kay Olivarez, ang mataas na bilang ng persons under investigation (PUIs) at persons under monitoring (PUMs) gayundin ang kum-pirmadong tinamaan ng virus na COVID-19 ay maituturing na isang wake-up call para sa siyudad kung saan kanyang inatasan ang 16 na mga Punong Barangay na isailalim ang kani-kanilang mga lugar sa total lockdown na kahalintulad ng ginawa ng lungsod na may 100% total lock-down sa mga boundaries ng Pasay, Las Pinas at Muntinlupa.
Sa isang panayam sa hepe ng City Public Information Office (PIO) na si Mar Jimenez, sinabi nito na nagdesisyon si Olivarez na gamitin ang nabanggit na ospital bilang isolation area makaraang magtala ng 8 pasyente na nagpositibo sa COVID-19 ang lungsod gayundin ang patuloy na pagtaas ng mga PUIs at PUMs sa siyudad.
Sinabi ni Jimenez na wala pa naman pasyenteng naka-isolate sa OSPAR II dahil ang mga pasyenteng nasasailalim sa PUI at PUM ay kasalukuyang ginagamot sa iba’t-ibang pribadong ospital sa lungsod. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.