HINDI puwersahang paaalisin at pipiliting lumipat sa mga ‘isolation facilties’ ang mga pasyente ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) na may mild cases at kasalukuyan nang naka-admit sa mga pagamutan.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, hihintayin na munang matapos ang 14-araw na isolation ng mga COVID-19 patients na may mild cases hanggang maging asymptomatic sila bago tuluyang payagang lumabas ng pagamutan.
“Usually, ang mga mild na nandito sa mga ospital, mayroon silang ibang sakit kaya binabantayan talaga sila ng kanilang private practitioners,” paliwang ng health official.
Aniya pa, ipatutupad lamang ang bagong protocol na ilalagay sa isolation facilities sa mga bagong pasyente na may mild cases.
“Ang ginagawa natin ngayon proactive tayo, I mean hindi tayo magre-retroactive, meaning kung sino lang ang mga darating ngayon, ‘yun na ‘yun ipapatupad ang protocol at kailangan sumunod ng mga ospital,” dagdag ng opisyal.
Aniya, batid na ng public hospitals ang protocol na hindi muna tumanggap ng mga pasyenteng may mild cases at asymptomatic.
Inatasan din ang mga ito na gawing prayoridad ang mga malulubha o kritikal ang kalagayan lalo na at masyadong maluwag pa ang 14 na mega at isolation facilities ng pamahalaan, bukod pa sa sariling pasilidad ng mga lokal na pamahalaan. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.