KINUMPIRMA ng mga opisyal ng Philippine General Hospital (PGH) at San Lazaro Hospital ang pagdami ng mga pasyente ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), nagpapa-admit sa kanilang mga pagamutan, sanhi upang lumampas na ang bilang nito sa initial bed allocation na inilaan para rito ng PGH at halos mapuno na rin ang coronavirus ward ng San Lazaro Hospital.
Sa panayam sa radyo, sinabi ni PGH Spokesperson Dr. Jonas del Rosario na naglaan sila ng 130 initial beds para sa COVID-19 patients, ngunit ang kanilang mga ini-admit na pasyente ay umabot na ngayon sa 172.
Sa naturang bilang aniya ay 145 ang may positive test results na, 22 ang suspected carriers at lima ang probable case.
Inamin ni del Rosario na ito na ang pinakamataas na COVID-19 admission na naitala nila matapos na maitalaga ang PGH bilang referral center para sa sakit noong Marso.
Tiniyak naman ni del Rosario na kahit lampas na ang bilang ng pasyente kumpara sa kanilang allocated beds ay na-accommodate pa rin nila ang mga ito, gamit ang kanilang “buffer beds” sa mga non-COVID-19 wards.
Aniya, tiniyak nilang maayos ang pagkaka-arrange ng mga pasyente para hindi maghahalo ang mga COVID at non-COVID patients.
Kaugnay nito, nagpahayag rin ng paniniwala si del Rosario na ang pagtaas ng patient admission ay dahil sa pagtaas ng testing capacity ng Filipinas at pagluwag na ng ipinatutupad na lockdown.
Iniulat din naman ni del Rosario na hanggang nitong Huwebes ay mayroon na lamang tatlo hanggang apat na bakanteng bed sa kanilang intensive care unit (ICU).
Tatanggap na lamang sila ng COVID-19 patients na may moderate at malalang sintomas ng karamdaman.
Pagtiyak pa niya, sapat ang suplay nila ng protective gear at mga gamot para lunasan ang kanilang mga pasyente.
Iniulat pa ni del Rosario na dalawang porsiyento na ng may 5,000 health workers nila ang nahawahan na rin ng COVID-19 ngayon at nagpapagaling na ang mga ito sa pagamutan.
Muli rin siyang nanawagan sa mga pasyenteng gumaling sa virus na mag-donate ng convalescent plasma upang magamit nila sa pagpapabilis ng paggaling ng kanilang mga pasyente.
Samantala, kinumpirma rin naman kahapon ni Dr. Rontgene Solante, ang hepe ng Adult Infectious Diseases Division ng San Lazaro Hospital, na halos puno na ang kanilang COVID ward.
Ayon kay Solante, dumami ang bilang ng mga COVID-19 patients na nagpapa-admit sa kanilang pagamutan, na may moderate hanggang severe symptoms ng sakit, nitong nakalipas na dalawang linggo, matapos na lumuwag ang umiiral na lockdown.
Nabatid na naglaan ang San Lazaro Hospital ng 65 beds para sa mga pasyente ng virus at sa ngayon ay mayroon na silang 52 pasyente na kasalukuyang naka-admit.
Pagtiyak naman niya, patuloy silang tumatanggap ng mga COVID-19 patients.
“As much as possible, we have to accommodate them… Kawawa din ang pasyente kung ipalipat-lipat natin,” aniya sa panayam sa radyo. ANA ROSARIO HERNANDEZ
686718 485595Howdy! Would you mind if I share your blog with my twitter group? Theres plenty of people that I feel would actually enjoy your content material. Please let me know. Thanks 420216
112307 382897I simply couldnt go away your site before suggesting that I in fact enjoyed the regular details an individual supply on your visitors? Is gonna be back often as a way to inspect new posts. 947064