(Covid positive lumobo sa Kamara) LATE REPORTING BINIRA NG QC-CESU

KAMARA-5

SINITA ng Quezon City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) ang House of Representatives sa late reporting nito sa kanilang  COVID cases na maaaring naging dahilan ng biglang paglobo ng kaso na umabot na sa mahigit na 40 cases.

Ayon kay QC-CESU Director Dr. Rolly Cruz,nasa 40 ang confirmed cases na kanilang naitala sa Mababang Kapulungan subalit kanilang bineberipika ang report na nasa 96 ang kabuuang bilang ng  positive cases sa Kamara sa nakalipas na 10 araw, kung ganito umano ay maraming kaso ang hindi nairereport sa kanila at hindi agad nagagawan ng contact tracing.

Ipinaliwanag ni Cruz na kahit pa man asymptomatic ang pasyente basta’t nakumpirma itong positive sa test ay dapat ipagbigay alam agad sa kinauukulan.

“Dapat kasi everytime na may new case dapat nire-report agad sa LGU para sa contact tracing,”paliwanag ni Cruz kung saan sa kaso ng Kamara ay kinailangan pa nilang hingan ito ng report.

Nang hingan ng reaksiyon sa lapses ng Kamara, sinabi ni House Secretary-General Dong Mendoza na nakipag-ugnayan na sila sa QC-CESU, tumanggi rin itong kumpirmahin na tumaas ang kaso ng COVID cases sa Mababang Kapulungan baga-mat nagsasagawa na umano ngayon ng mass testing sa mga mambabatas, kawani at maging sa mga bumibisita sa tanggapan.

“We already spoke with the QC govt. with regards to this matter we will release the results to DOH and CESU  once the lab results are available already,”paliwanag ni Mendoza.

Hindi naman tinukoy ni Mendoza kung Rapid Test o Swab test ang kanilang gagawin subalit para sa mga kawani ay mainam na swab test ang isagawa upang mas kongkreto ang maging resulta.

Una nang inalarma ng QC-CESU ang Kamara matapos itong makatanggap ng mahigit 40 kaso ng COVID na ang inilagay kung saan nila nakuha ang virus ay sa lugar na pinagtatrabahuhan sa Mababang Kapulungan. Nabatid na ang tinamaan ng COVID ay pawang naninirahan lamang sa mga kalapit na barangay sa Batasan Complex.

Sinabi ni Cruz na pagbabatayan nila ang COVID cases report na isusumite ng Kamara sa kanilang gagawing imbestigasyon pangunahin na rito kung bakit nagkaroon ng hawahan at kung may pagtaas ng kaso na maaaring pumasok sa kategorya ng outbreak na maaaring maging dahilan para pansamantalang ipasara ang tanggapan.

Ukol naman sa posibleng paglabag ng Kamara, sinabi ng QC-CESU na ang kanilang gagawing imbestigasyon ay isu-sumite nila sa Department of Health(DoH).

Samantala, kinastigo naman ni dating Ang Nars Partylist Rep. Leah Paquiz ang  House Leaders na sina House Speaker Lord Allan Velasco, Deputy Speaker at 1Pacman Partylist Rep. Mikee Romero at House Secretary-General Dong Mendoza na lumabag sa quarantine protocol nang patuloy pa ring pumapasok sa Kamara sa kabila ng kanilang exposure sa COVID positive na si TESDA Chair Isidro Lapeña.

Sinabi ni Romero na nagnegatibo sila sa test matapos na ma-expose kay Lapeña ngunit hindi naman ito sumailalim sa 14 day quarantine dahil nakita itong dumadalo sa mga hearing at courtesy call sa Kamara.

Samantala, mismong mga empleyado ng Kamara ang nagsabing hindi sagot ang gagawing COVID testing para maresolba ang tumataas na kaso ng Covid sa tanggapan, anila, dapat munang sumunod sa quarantine protocol mismo ang mga lider na may exposure sa virus.

“May exposure sila sa COVID positive pero dumadalo sila sa ibat ibang mga hearing, importante ang hearing pero mas importante ang aming kalusugan sa lahat,” ngingit pa ng isang empleyado.

Umaapela ang mga kawani ng full transparency sa  COVID cases sa Kamara at sino sino ang mga may exposure sa COVID positive patients para na rin sa proteksiyon ng lahat.

Comments are closed.