COVID RESPONSE, REHABILITASYON NG TYPHOON-HIT REGIONS PINAGHANDAAN SA 2022 P5.2-T NATIONAL BUDGET; PUBLIKO DAPAT MAG-DOBLE INGAT KONTRA OMICRON

ISINUSULAT natin ito, umabot na sa mahigit 5,000 ang bilang ng mga naitalang bagong COVID cases sa bansa.

Matapos ang kakaunting panahon na nagluwag tayo sa health protocols, balik tayo sa ganitong sitwasyon. Nakalulungkot na kung kailan nagsisimula nang lumusog ang ating ekonomiya, nagbabalik normal ang galaw ng publiko, heto na naman tayo.

Halos mag-iisang buwan na ang nakararaan, winasak naman ng bagyo ang ilang rehiyon sa Visayas at Mindanao. Hanggang ngayon, kaawa-awa ang sitwasyon ng mga kababayan nating nawalan ng bahay, nawalan ng ikinabubuhay dahil sa bagyo.

At kaugnay po niyan, sinisiguro naman nating may sapat na pondo para sa rehabilitasyon at relief operations sa mga komunidad na sinalanta ng super typhoon Odette. May nakalaan po tayong budget sa ilalim ng 2022 GAA na kamakailan lang ay nilagdaan ni Pangulong Duterte.

Partikular pong pinondohan sa ilalim ng P5.2 trilyong national budget ang  COVID response ng gobyerno lalo pa’t tiyak na ang lalo pang pagtaas ng COVID cases sa bansa, base sa pahayag mismo ng Department of Health.

Sa kasalukuyan, dalawang COVID variant ang nagpapahirap sa atin – ang Delta at ang kapapasok lang na Omicron. Ang problema, sabi nga ng health experts natin, mas matindi ang hawahan sa Omicron. Kumbaga, dinoble niya ‘yung bilis ng paghawa ng Delta.

Kaugnay naman ng pagresponde ng gobyerno sa typhoon-ravaged areas, tayo po ay nanawagan sa administrasyo na kung maaari, agad nang gastusin ang naaprubahang pondo para matulungan ang  concerned areas na masimulan na rin ang relief operations and rehabilitation sa mga lugar na talagang nilagare ng bagyong Odette.

Ultimong mga ospital nila, mga imprastraktura at mga paaralan, hindi pinaligtas ng bagyo. Napakahalaga ng mga ospital ngayon lalo na nga’t pataas na naman nang pataas ang mga kaso ng COVID.

Matindi ang pangangailangan sa mga lugar na ‘yan kaya dapat lang, buhusan sila ng pondo para matulungan din ang ating mga kababayan na makapagpatayo ulit ng kanilang bahay.

Kaya nga po halos hindi na namin tinulugan sa Senado ang pagdinig sa 2022 national budget, para masigurong may magagastos tayo sa mga mahahalagang bagay ngayong taon. At ‘yan na nga po ang bagyong Odette at itong muling pagtaas ng mga bilang ng COVID cases.

Nakapanghihinayang dahil nitong mid-December lang, pumapalo na lang tayo sa 200-300 cases a day. Ngayon, balik tayo sa libo-libong kaso kada araw.

Pero naniniwala po tayo na dahil pinaghandaan talaga natin ang pondo para sa COVID fight ng gobyerno ngayong taon, mas mapalalakas natin ang ating pandemic response at ang posibleng pagdating pa ng bagong variants. Hindi naman sa ipinagdarasal natin ‘yan, pero ang sa atin lang, dapat paghandaan ang mga ganyang senaryo.

At sasamantalahin na po natin ang kolum na ito para makapanawagan sa ating mga kababayan — balik na naman po tayo sa libo-libong cases per day. Naging masyado po tayong kampante nitong mga nakaraang araw kaya, payo po ng inyong lingkod, balik tayo sa matinding pag-iingat.

Kung wala namang importanteng gagawin sa malalayong lugar, huwag na po tayong dumayo. At para sa mga papasok sa trabaho, siguruhing nakasuot tayo ng face mask, laging mag-sanitize, panatilihing malinis tayo sa katawan at sa paligid.

Importanteng-importante po ngayon na sumunod tayo sa health protocols. Iba po ang tindi ng Omicron – kaya doble ingat po tayong lahat.