COVID WALANG PAGDAMI SA MGA MAG-AARAL- DOH

LUMALABAS sa pinakahuling ulat ng Department of Health (DOH) na walang naitala na pagtaas ng COVID-19 cases sa mga pediatric population o mga bata simula noong Agosto 22, ang simula ng pagbubukas ng klase at in-person classes ngayong taon.

Sinabi ni Health Usec. Beverly Ho, na nanatiling suportado ng DOH ang mga in-person classes ngunit nakabantay pa rin sila sa oras na magkaroon ng mga kaso ng COVID-19 dahil sa pagtaas ng mobility.

Ngunit ang mahalaga aniya para sa ating lahat ay kilalanin ang dalawang bagay: ang isa ay malinaw na ang face to face classes ay higit na mataas, hindi lamang para sa eduaksyon kundi para sa kalusugan at pag-unlad ng mga bata kaya naman suportado ito ng DOH.

Bukod dito, iginiit din ng DOH na kailangang kilalanin na sa paglabas ng ating mga bahay ay magkakaroon ng uptick o pagtaas sa kaso ng mga tatamaan ng sakit.

Gayunman, pagtitiyak ni Ho sa publiko na mayroong mga teknolohiya tulad ng bakuna upang maiwasan o hindi na muli pang tumaas ang kaso.

Dagdag pa niya ay hindi rin tumaas ang hospital admission rates.

Patuloy naman ang pagsasagawa ng DepEd at DOH ng COVID-19 vaccination campaigns at counselling sa mga eskuwelahan upang hikayatin ang iba pang mag-aaral, magulang at guro na magpabakuna.

Sinabi ni Ho na plano ng DOH na magsagawa ng supplement immunization campaign sa unang quarter ng 2023 upang matugunan ang mababang routine immunization rates at maiwasan ang posibleng measles outbreak. PAUL ROLDAN