CPCB: MAKIALAM, SUPILIN ANG BULLYING

bullying

NANINDIGAN  ang isang opisyal ng maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na hindi tamang pa­noorin lamang at huwag pakialaman ang mga insidente ng bullying, na nagaganap sa kanyang kapaligiran.

Ito ang binigyang-diin ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, bise presidente ng CBCP, kaugnay sa viral video nang pananakit ng isang estudyante sa kanyang kapwa estudyante sa Ateneo de Manila University (AdMU), na pinanonood lamang ng ibang estud­yante.

Ayon kay David, isa sa mga paraan upang maiwasan ang bullying ay ang pakikialam at pakikisangkot upang maitama o maprotektahan ang mga minamaliit, inaapi at sinasaktan ng mga bully na ginagamit ang kanilang mga kakayahan, lakas at kaalaman upang manakit ng kapwa.

Hinimok pa ng Obispo ang lahat na kumilos upang maitama ang mga mali hindi lamang sa sitwasyon ng bullying kundi lalo’t higit sa sitwasyon ng bayan kung saan naaagrabyado ang mismong mamamayan.

“Hindi tama sa sitwasyon ng bullying ang manood lang tayo, nakita rin natin doon sa video na mayroong mga kaklase na nandoon, naging saksi sila doon sa pambu-bully na ginagawa pero tumabi lang sila, ‘yung iba lumabas ayaw nilang makita, ayaw nilang masangkot,” ani David, sa pa-nayam ng church-run Radio Veritas.

“Usong-uso ngayon ‘yan ‘yung kawalan ng pakialam, ‘yung trend sitter nanonood lang na para bang wala tayong kinalaman hindi puwede ‘yun kung halimbawa ang pambu-bully na ating nararanasan ay hindi lang isa o dalawang tao kundi buong bayan ang tinatamaan, ano po…” aniya pa.

Binigyang-diin pa ng Obispo na hindi kailanman magiging katanggap-tanggap ang bullying o ang pananakit, pananakot at pang-aapi sa mga mahihina at mga walang kakayahang ipagtanggol ang kanilang sarili.

Dismayado at nanlulumo rin naman ang Obispo na makita ang isang kabataan na umaastang bully, na nagtatapang-tapangan, nagsisiga-sigaan at nananakit ng kapwa sa murang edad pa lamang.

“Parang nakapanlulumo kapag ang mga kabataan natin ay umaasta na ring parang mga bully, parang nagtatapang-tapangan, nagsisiga-sigaan at kinakawawa ‘yung mga kaya-kaya nila na nakikita nilang mahihina at puwede nilang i-take advantage, ang bullying ay hindi tama kahit kailan…” aniya pa.

Hinimok din ng Obispo ang bawat isa na huwag magpadaig sa takot sa gitna ng ano pa mang panggigipit o pang-aapi.

Aniya, ang takot ang isa sa dapat na paglabanan ng bawat isa lalo na sa usapin ng bullying o pang-aapi.

Nanindigan pa siya na sa oras na manaig ang takot ay mawawalan na rin ng lakas ng loob ang sinuman na ipag-tanggol ang kanyang sarili. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.