CPP NAGBABALA (Pilipinas baka makaladkad sa away ng US at China)

NAGBABALA ang Communist Party of the Philippines na baka makaladkad lamang ang Pilipinas sa away ng US at China kasunod ng nakatakdang pagpapalawak sa access ng US forces sa mga base militar ng bansa.

Inilabas ang nasabing pahayag matapos na kumpirmahin ng U.S Department of Defense na may kasunduan na sa pagitan ng Pilipinas at Amerika para muling buhayin ang joint Maritime Patrol sa karagatang sakop ng Pilipinas kabilang ang West Philippine Sea.

Sa pagbisita rin sa Pilipinas ni U.S DOD Secretary Lloyd Austin III ay inihayag na nagkaroon ng kasunduan para palawakin pa ang access ng US forces sa bansa kasunod din ng pagpasok ng Pilipinas sa kasunduang pagtayo ng apat pang Enhanced Defense Cooperation Agreement sites.

Naniniwala si CPP Chief Information Officer Marco Valbuena, na hakbang ito ng gobyerno ng Estados Unidos na maghanda sa posibleng giyera laban sa China.

Dahil dito, ginagawa lamang umano ni Pangulong Bongbong Marcos na maging target tayo ng mga armas ng Tsina.

Sinabi naman ng Gabriela Party-list na bahagi ito ng military expansionism ng Amerika sa Southeast Asia at malalagay sa alanganin ang Pilipinas at ang buong ASEAN region dahil maaring maiipit din tayo sa tensyon sa pagitan ng US at China.

Una nang umalma ang China sa umano’y mapanirang panghihimasok ng United States na nagpapataas ng tensyon sa rehiyon na binabalewala ang kapayapaan at katatagan sa rehiyon.

Una nang naglabas ng kanilang saloobin ang Chinese Embassy sa Manila kasunod ng ginawang pagbisita ni U.S Defense Secretary ng Lloyd Austin III at ihayag na pinaboran ng gobyerno ng Pilipinas ang kanilang kahilingan na magkaroon pa ng karagdagang apat na Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA). site sa bansa.

Sana umano ay maging mapagmatyag ang Pilipinas at huwag hayaang magamit o mabuso at makaladkad sa kaguluhan.

“It is hoped that the Philippine side stays vigilant and resists from being taken advantage of and dragged into trouble waters,ayon sa inilabas na pahayag ng tagapagsalita ng Chinese Embassy.

Sa kanyang pagbisita, siniraan umano ni US Secretary of Defense ang China sa isyu ng South China Sea para isulong ang anti-China political agenda ng US.

Nabatid na sa EDCA, papayagan ang Estados Unidos na magpwesto ng defense assets at magtayo ng mga pasilidad sa mga piling lokasyon sa bansa.

Ilan sa mga lumutang na site na sinasabing papayagan na magkaroon ng temporary basing ang US sa area ng Palawan na nakaharap sa West Philippine Sea at sa mga pinag-aagawang teritoryo ganoon din sa ilang lalawigan sa hilagang Luzon na malapit lamang sa China at Taiwan na kasalukuyang may matinding tensiyon. VERLIN RUIZ