CAMP AGUINALDO- UMUPO na bilang bagong Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of Staff si Lt. Gen Felimon Santos, na sinasabing kalabang mortal ng Communist Party of the Philippine-New People’s Army (CPP-NPA).
Sa isang turn-over ceremony kahapon sa Tejeros Hall sa AFP Officers Club sa Camp Aguinaldo ay iniluklok ni Pangulong Rodrigo Duterte ang bagong AFP Chief of Staff kapalit ng nagretirong si Gen. Noel Clement.
Magugunitang sa pamumuno ni Santos bilang Philippine Army Intelligence and Security group chief ay naging matagumpay ang serye ng intelligence project ng Army na nagresulta sa sunod na pagkakaaresto ng matataas na lider ng CPP-NPA.
Kabilang dito ang mag- asawang Wilma at Benito Tiamzon na namumuno sa New People’s Army at kapwa ranking CPP-NPA-NDF central committee members.
Pinasalamatan ng heneral ang Pangulo sa tiwala para pangunahan ang AFP.
Isa sa marching order ng pangulo ang pagwasak sa CPP-NPA na wakasan ang rebelyon at terorismo.
Ayon kay Santos, pangungunahan niya ang hukbong sandatahan sa pagtapos sa communist insurgency, pagneyutralisa sa terror groups na naimpluwensiyahan ng Islamic State (ISIS) terror network, at susuportahan din ang police at anti-drug agencies sa kanilang kampanya kontra ilegal na droga.
Inihayag ni Army Spokesman Col Ramon Demy Zagala na tinagurian si Santos bilang “expert intelligence officer” na nagsilbing AFP Deputy Chief of Staff for Intelligence, J2, mula Nobyembre 2016 hanggang Oktubre 2017.
Miyembro ng Philippine Military Academy “Sinagtala” class of 1986, ang heneral ay isang Scout Ranger at Field Artillery officer.
Bago ito naitalagang pinuno sa 7th Infantry Division sa Central Luzon na nakabase sa Fort Ramon Magsaysay sa Nueva Ecija. VERLIN RUIZ
Comments are closed.