(CPP-NPA nag-utos maglunsad ng pag-atake vs gov’t forces) WALANG CEASEFIRE

HINDI nabahala ang Armed Forces of the Philippines at maging ang Philippine National Police sa deklarasyon ng Communist Party of the Philippines na hindi sila magdedeklara ng ceasefire sa hanay ng government ngayong holiday season kasunod ng pagkamatay ni CPP Founder Jome Maria Sison.

Kasabay ito ng utos sa kanilang armadong galamay na New People’s Army na maglunsad ng mga pananalakay sa hanay ng state forces.

Nagdeklara ng walang tigil putukan ang CPP lalo na sa idineklarang mourning period para sa nasawing si Joma Sison sampung araw bago ang 54th CPP founding anniversary na ang kilusang itinatag nito noong Disyembre 26, 1968.

“There is absolutely no reason to declare a ceasefire to mark the holidays and the upcoming 54th Party anniversary,” ayon pa sa communist group.

Nanatili aniyang naka-deploy ang kanilang mga armadong partisano sa mga minahan sa mga plantation at iba pang proyekto na tinututulan ng local communities.

Minaliit naman ng AFP ang nasabing banta at ayon kay AFP Spokesman Col Medel Aguilar, “We have not monitored any threat to cause unnecessary fear and anxiety among our people, only the irresponsible and reckless statement of the CPP who cannot accept strategic defeat.”

Naniniwala rin si Aguilar na hudyat na ito ng tuluyang pagbagsak ng kilusan at mananaig ang inaasam na kapayapaan dahil wala silang nakikitang hahalili kay Sison na may angking talino.

Karamihan din umano sa top leadership ng CPP-NPA ay napatay na o nadakip sa nagpapatuloy na military operation. VERLIN RUIZ