CPP-NPA-NDF CONSULTANT PA HINULI

arestado

CAVITE – DAHIL sa nakabinbing kaso ng pagpatay, isa pang consultant ng National Democratic Front of the Philippines  ang inaresto ng pulisya  kahapon ng ng madaling araw.

Armado  ng warrant of arrest na inilabas ng korte dahil sa kasong murder, dinakip ng mga tauhan ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group si Rey Claro Casambre, isang consul­tant ng NDFP at ang misis nitong si Patricia sa ­Cavite.

Ayon kay  CIDG director, Chief Supt. Amador Corpus, ang pagdakip kay Casambre ay kaugnay sa mga kasong murder at attempted murder na naganap at nakahain sa Davao Oriental.

Nang isilbi ng mga awtoridad ang hawak nilang warrant kay Casambre ay nahulihan pa umano  ng mga baril, bala at granada ang mag-asawa nang sila ay masabat  habang sakay ng kanilang sasakyan.

Pansamantalang nakakulong sa Camp Crame CIDG Detention cell ang mag-asawa.

Si Casambre ay nagsisilbi ring executive director ng Philippine Peace Center (PPC).

Magugunitang bago ang pagkakadakip kay Casambre ay nahuli rin ng pinagsanib na pu­wersa ng Philippine Army at pulis si Vicente “Vic” Ladlad isa ring  consul­tant ng NDFP at  misis nito na kaugnay sa maramihang pagpatay sa mga hinihinalang military deep penetrating agents o mga DPA sa kanilang Oplan Ahos sa Inopacan Leyte.

Sa report ni CIDG-NCR director, Sr. Supt. Alberto Ibay, naaresto ang mga suspek habang nakasakay sa isang silver To­yota Vios sa may Barangay Niyog 3, Molino Boulevard, Bacoor, Cavite.

Habang isinisilbi umano ng awtoridad ang warrant of arrest nakuha sa posisyon ng mag-asawa ang isang cal. .45 pistol, bundle ng electronic detonating cord, fragmentation grenade, cellphone at nasa P60,000 cash.

Kaugnay nito, ayon kay BGen. Edgard Arevalo, tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines (AFP)  isa na naman itong malaking setback sa CPP-NPA. VERLIN RUIZ

Comments are closed.