TULUYAN nang binawi ng Food and Drugs Administration (FDA) ang certificate of product registration (CPR) ng kontrobersiyal na anti-dengue vaccine na Dengvaxia.
Dahil dito, hindi na maaari pang mag-angkat, magbenta at mamahagi ng naturang bakuna sa bansa.
Ayon kay FDA Director General Nela Charade Puno, ang tuluyang pagbawi sa CPR ay dahil sa patuloy na pagkabigo ng manufacturer ng Dengvaxia, ang French pharmaceutical giant na Sanofi Pasteur na magsumite ng “post-approval commitment documents” sa FDA na isa umanong pagbalewala sa kanilang mga ipinatutupad na panuntunan at regulasyon.
“Its brazen defiance of FDA’s directives and its continued failure to comply leaves us no other recourse but to impose the maximum penalty of revocation of the CPRs covering the Dengvaxia products,” ani Puno.
“It is unlawful to import, sell, or distribute the said products,” dagdag pa nito.
Matatandaang, lumikha ng kontrobersiya ang Dengvaxia nang aminin nitong maaaring dapuan ng mas malalang dengue ang mga taong binakunahan na ngunit hindi pa tinatamaan ng sakit.
Kaya’t agad namang sinuspinde ng Department of Health (DOH) ang isinasagawa nitong mass Dengvaxia immunization sa mga paaralan sa bansa, lalo na nang mapaulat na dumarami ang mga batang nabakunahan na namamatay.
Gayunpaman, nilinaw naman ng DOH na wala pang malinaw na katibayan na ang Dengvaxia nga ang naging dahilan nang pagkamatay ng mga naturang vaccine recipient.
Maging ang ibang bakuna naman ay naapektuhan ng Dengvaxia scare kaya’t dumami ang mga magulang na ayaw magpabakuna ng kanilang mga anak, na kalaunan ay nauwi sa measles outbreak ngayon sa ilang lugar sa bansa. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.