CRACKDOWN SA ‘8’ PLATES

plaka

KASALUKUYAN nang nagsasagawa ng massive crackdown ang Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) laban sa commemorative plates, kabilang ang protocol plate Number 8 na nakatalaga sa mga mambabatas.

Ayon kay HPG Director Roberto Fajardo, kanilang kukumpiskahin ang mga plaka at titike­tan ang mga mahuhu­ling gumagamit ng illegal plate at may multa itong P5,000.

Una nang ipinag-utos ni House Speaker, Pampanga Representative Gloria Macapagal-Arroyo ang pagkumpiska o pag-surrender ng mga protocol plate No. 8 na ibinigay ng Kongreso sa nakaraan.

Pahayag ni Fajardo: “Mas mapapabilis, tutulungan natin ang Congress, at nag-utos na tayo ng massive crackdown.”

May order na rin ang Congress na i-surrender. ‘Yun nga lang kung fake ito, maraming naglipanang fake na number 8 na plaka kaya kailangan naming mag-crackdown na sa plate number 8,” dagdag pa nito.

Ang kautusan ay kasunod ng pagkakasangkot ng isang businessman-singer sa road rage incident.

Nilinaw ni Fajardo na hindi exempted sa gagawing crackdown ang iba pang commemorative o vanity plates na inisyu ng iba pang government agencies.

Ayon kay Fajardo, tanging ang Land Transportation Office (LTO) ang tanging ahensiya na awtorisado na mag-isyu ng commemorative plates with valid certification.

“Kung meron silang approval from LTO, walang problema ‘yon. lto lang ang nag-iisyu ng commemorative plates. Pero as per coordination with LTO, since 2015, hindi na sila nag-issue ng authority about commemorative plates. It’s considered illegal plates,” babala ng opisyal.

Katuwang ang Land Transportation Office ay tutukan na  ng HPG ang mga sasakyang patuloy na gagamit sa number 8 car plates at P5,000 ang multa sa mga mahuhuling may  illegal plates.        VERLIN RUIZ