KASUNOD ng pag-aalis sa total deployment ban sa Kuwait, lalansagin ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pasaway na recruitment agencies na patuloy na nagpapadala ng overseas Filipino workers (OFWs) sa Gulf state.
Ayon kay DOLE Undersecretary Jacinto V. Paras ito ay bilang pagtalima sa mga kondisyon sa ilalim ng bagong Philippine-Kuwait Memorandum of Understanding (MOU) para sa proteksiyon ng Filipino household service workers (HSW), na nilagdaan noong Mayo 11, 2018.
Si Paras ang bagong talagang cluster head ng DOLE na namamahala sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
“There must…be review of the licenses of manpower agencies and allow only those who are not notoriously and constantly violating the law and POEA rules and regulations to deploy workers [to Kuwait],” pahayag ni Paras.
Bahagi rin ng commitment ng Pilipinas sa MOU sa Kuwait na tiyakin na ang lahat ng pinadadalang Filipino HSWs sa Kuwait ay dumaan sa pagsasanay sa mga gawaing bahay.
Sa pagtiyak sa qualifications ng Filipino HSWs sa Kuwait, dapat din tiyakin ng Kuwaiti government na may minimum na pitong oras na tulog araw-araw ang mga manggagawa; anim na araw lamang na trabaho at may isang araw na pahinga; payagan silang magluto ng sarili nilang pagkain; at papayagang gumamit ng kanilang cellphones at iba pa.
Sinabi ni Paras na ang pagpapatupad ng mga probisyong ito ay nakasaad sa guidelines.
“I will immediately convene a meeting with POEA officials to tackle the formulation of new guidelines that would be used for processing of permits for the resumption of deployment of all workers to Kuwait,” dagdag pa ng Usec.
Samantala, nilinaw ni OWWA Deputy Administrator Arnel Ignacio na ang mga bagong hire, partikular ang HSWs, ay hindi pa papayagang magtungo sa Kuwait, hangga’t hindi nakukumpleto ang mga bagong panuntunan sa MOU.
Hindi pa inaanunsiyo ng DOLE ang timeline para sa paggagawa ng bagong guidelines.
Gayunman, sinabi ni Paras na ang nasabing guidelines ay magkakaloob ng “maximum guarantee for the safeguards and security” sa mga OFW kapag ito ay nakumpleto na.
Ang MOU at ang pagkakaloob ng katarungan sa Filipino HSW Joanna Demafelis ng Kuwaiti government ay ang dalawang kodisyon na ibinigay ni Pangulong Rodrigo R. Duterte bago nito iniutos ang pag-aalis sa tatlong buwan deployment ban sa Kuwait nitong nakaraang linggo.
Naglabas si Labor and Employment Secretary Silvestre H. Bello III ng Administrative Order No. (AO) 254 and 254-A na pumapayag sa deployment ng mga newly-hired professionals, skilled and semi-skilled workers, at domestic workers sa Kuwait.
Comments are closed.