NAIS ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na paigtingin ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at ng Philippine National Police (PNP) ang crackdown sa illegal public utility vehicles (PUVs) upang mapaluwag ang daloy ng trapiko sa Metro Manila.
Ayon kay PBBM, ang paglaganap ng illegal PUVs, o ang tinatawag na kolorum, ay isa sa pinakamalaking problema ng Metro Manila sa trapiko.
Aniya, ang colorum vehicles ang nagpapasikip sa daloy ng trapiko sa mga pangunahing daanan sa Metro Manila.
Nanawagan naman ang Pangulo sa PUV cooperatives at mga katulad na asosasyon na bantayan ang kanilang hanay at tulungan ang mga awtoridad sa kampanya nito laban sa mga kolorum na sasakyan.
Maging ang mga mananakay ay dapat ding makipagtulungan sa pagsugpo sa mga kolorum na sasakyan.
Makabubuting huwag nilang tangkilikin ang mga PUV na walang lehitimong permit para makaiwas sa kapahamakan at matulungan ang mga lehitimong transport operators na nawawala umano ang 30 porsiyento ng kanilang kita kada araw dahil sa “colorum” operators.
Sa ngayon, tinatayang nasa 30 porsiyento ng pumapasada ay kolorum kaya huwag hayaang madagdagan pa ito.