CRACKDOWN VS LOOSE FIREARMS BAGO ANG 2025 ELECTIONS

KASUNOD ng direktiba ni Philippine National Police (PNP) chief PGeneral Rommel Francisco D Marbil na palakasin ang pagsisikap laban sa mga loose firearms at armadong grupo bago ang 2025 Midterm Elections.

Agad namang tu­ma­­lima ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa pangu­nguna ni Acting Regional Director, PMGen Sidney S. Hernia, ang pagsugpo sa loose firearms bago ang 2025 Midterm Election.

Sa unang inilunsad na operasyon, nasakote  ng mga operatiba ng Que­zon City Police District (QCPD)  ang isang suspek sa buybust ope­ration bandang ala 1:50 ng madaling araw kama­kalawa sa kahabaan ng Major Marcos Street, Barangay Pasong Tamo, Quezon City.

Naaresto ang suspek na kinilalang si Neptale Agwanta Bernales dahil sa pagbebenta ng hindi lisensyadong baril.

Narekober ng mga pulis sa operasyon mula sa suspek ang isang .38 caliber revolver, mga live ammunition, at marked money.

Nabatid sa karagdagang imbestigasyon na sangkot si Bernales sa insidente ng pamamaril noong Oktubre 14, 2024, na ikinasugat ng 22-anyos na babae.

Inihahanda na ang kasong kriminal para sa paglabag sa Republic Act 10591 o mas kilala bilang Comprehensive Firearms and Ammunition laban sa suspek na si Bernales.

EVELYN GARCIA