CRAY PASOK SA WORLD ATHLETICS CHAMPIONSHIPS

ERIC CRAY (PHOTO COURTESY OF PATAFA’S FACEBOOK PAGE)

 

SASAMAHAN ni dating Asian champion Eric Cray sina pole vault sensation EJ Obiena at fellow hurdler Robyn Lauren Brown sa nalalapit na 2023 World Athletics Championships.

Ayon kay Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) secretary general Edward Kho, ang long-time Southeast Asian Games record-holder ng men’s 400m hurdles ay nakakolekta ng kinakailangang puntos upang makapasok sa top 40 ng world rankings at sa Budapest, Hungary worlds na gaganapin sa August 19-27.

Sa edad na 34, ang Filipino-American ay nakatakdang sumalang sa August 20, ang kanyang ikalawang major competition matapos ang matagumpay na performance sa 32nd Southeast Asian Games sa Phnom Penh, Cambodia noong nakaraang Mayo kung saan nakopo niya ang ika-6 na sunod na gold medal sa men’s 400m hurdles.

Samantala, si Brown ay nakakuha ng puwesto sa World Championships nang madominahan ang women’s 400m hurdles sa Asian Athletics Championships na ginanap sa Bangkok, Thailand noong nakaraang July.

Awtomatiko namang nag-qualify si Obiena sa World Championships dahll sa kanyang remarkable position bilang world’s second-ranked pole vaulter.

Si Obiena ay nagwagi ng bronze medal sa World Championships sa Eugene, Oregon noong nakaraang taon, kung saan gumawa siya ng kasaysayan bilang unang Filipino athlete na umakyat sa podium ng prestihiyosong event.

-CLYDE MARIANO