BIBIGYANG-PUGAY ang ‘cream of the crop’ ng Philippine sports sa katatapos na taon sa 2023 edition ng San Miguel Corporation-Philippine Sportswriters Association (SMC-PSA) Annual Awards Night ngayong Lunes sa grand ballroom ng Diamond Hotel.
Pinangungunahan ni Asian record holder at world no. 2 pole vaulter Ernest John ‘EJ’ Obiena ang mga pararangalan bilang Athlete of the Year Award.
Pinamumunuan ni PSA president Nelson Beltran, sports editor ng The Philippine Star, kikilalanin ng sports writing fraternity ang kabuuang 140 awardees sa itinuturing na pinakamalaking Awards Night sa 75-year history ng asosasyon.
Pangungunahan ng top sports officials ng bansa, kabilang sina Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Richard Bachmann at Philippine Olympic Committee (POC) President Abraham Tolentino, ang buong sports community sa pagpaparangal sa mga atleta, personalidad, at entidad na nagbigay ng karangalan sa bansa at kuminang sa kani-kanilang larangan noong nakaraang taon.
Magiging malaking bahagi rin ng okasyon ang Gilas Pilipinas, na nag-uwi ng karangalan at matinding kagalakan sa bansa makaraang wakasan ang 61 taong paghihintay na magwagi ng Asian Games gold medal, sa pagtanggap ng President’s Award, habang gagawaran ang Philippine women’s national football team na gumawa ng historic debut sa FIFA Women’s World Cup ng ‘Golden Lady Booters’ Special Award.
Makikibahagi rin sa okasyon ang dalawa sa top businessmen at sportsmen ng bansa sa katauhan nina SMC President and CEO Ramon S. Ang at First Pacific Company Chairman and CEO Manny V. Pangilinan, na kapwa kikilalanin bilang Executives of the Year dahil sa pagtutulungan para sa matagumpay na hosting ng FIBA World Cup at pagbawi sa basketball gold sa 19th Asiad sa Hangzhou, China.
Gagawaran naman ng Lifetime Achievement Award sina basketball legends Allan Caidic at late Avelino ‘Samboy’ Lim, at champion coaches Dante Silverio, Joe Lipa, at Arturo Valenzona.
Pangungunahan nina Asiad gold medal winners Margarita ‘Meggie’ Ochoa at Annie Ramirez ang recipients ng Major Awards, habang ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) at Jiu-Jitsu Federation of the Philippines (JJFP) ang co-winners ng National Sports Associations (NSAs) of the Year.
Bibigyan din ng Special Awards ang outstanding individuals tulad nina PBA seven-time MVP June Mar Fajardo (Mr. Basketball), Creamline stalwart Diana Mae ‘Tots’ Carlos (Ms. Volleyball), Filipinas star forward Sarina Bolden (Ms. Football), at net sensation Alex Eala (Ms. Tennis).
Ang gold medalists sa Hangzhou Asiad at Cambodia Southeast Asian Games, gayundin ang kanilang counterparts sa Asiad at ASEAN Para Games, ang nangunguna sa mahabang talaan ng awardees na bibigyan ng citations sa formal gathering, na ipagkakaloob din ang regular Tony Siddayao Awards at ang MILO ‘Gold’ Grit, and Glory Award.’
Sina veteran sports analyst at columnist Quinito Henson at Denise Tan ang magiging hosts sa awards night.
Magsisimula ang registration sa alas-6 ng gabi.