TINANGKANG umiskor ni Ces Molina ng Cignal laban kay Cza Carandang ng Chery Tiggo sa kanilang PVL 2nd All-Filipino Conference battle para sa bronze kahapon. PVL PHOTO
SA ika-7 pagkakataon ay inangkin ng Creamline Cool Smashers ang kampeonato sa Premier Volleyball League (PVL).
Nalusutan ng Sherwin Meneses-led squad ang matikas na pakikihamok ng Choco Mucho tungo sa 22-25, 25-20, 29-27, 24-26, 15-12 victory sa harap ng record-breaking crowd nitong Sabado sa Araneta Coliseum sa Quezon City.
Ang Cool Smashers ay undefeated sa kanilang 15-game run sa 2023 Second All-Filipino tourney, naduplika ang kanilang 20-game sweep sa 2019 Open Conference.
Nasa 24,459 fans ang sumaksi sa pagsungkit ng Cool Smashers sa kanilang ika-5 All-Filipino crown at ika-2 sunod ngayong season.
Samantala, nakopo ng Cignal ang third place sa 18-24, 25-21, 25-22, 26-24 panalo laban sa Chery Tiggo.
Hindi agad nakumpirma ng HD Spikers ang kanilang ika-4 na bronze medal sa liga makaraang i-challenge ng Crossovers ang foot fault violation kay Jovelyn Gonzaga.
Matapos ang mahabang diskusyon, tinanggihan ni first referee Patrick Castillo ang challenge ng Chery Tiggo dahil nahuli si coach Kungfu Reyes sa pag-push sa buzzer na dumating makaraang ma-out ang kill ni Eya Laure, na naging match point.
Pinangunahan ni Vanie Gandler, humataw ng 22 points, ang Cignal sa isa pang podium finish sa kanyang ikalawang conference pa lamang sa koponan.
“I’m just very very very very happy. Because I know how tired we are. I know how much work we had put in and we sacrificed so much,” sabi ni Gandler.
“Today, I really felt the fight from each player, each coach up to the management. I’m very thankful,” dagdag pa niya.
Masaya si Ces Molina, na nagdagdag ng 14 points, na makitang nagtutulungan ang HD Spikers para makuha ang third place series sa dalawang laro.
“Naging personal growth ng team. ‘Yung mga teammates ko nag-step up talaga sila kahit sino’ng ipasok sa amin. Nakita ninyo naman na nagko-contribute talaga,” ani Molina.
“Alam kong masayang-masaya ang bawat isa sa team and hopefully sa susunod pang mga conferences, mas magiging maganda ang laban ng team,” sabi pa ng Invitational Conference MVP.
Nanguna si Eya Laure para sa Crossovers na may 17 points, kabilang ang 4 blocks, at 8 digs, habang umiskor si Mylene Paat ng 16 points, kabilang ang 2 blocks.