CREAMLINE KAMPEON SA PVL

BUMAWI ang Creamline mula sa set two loss upang maitakas ang 25-18, 15-25, 25-23, 25-16 panalo sa Game 2 kontra Petro Gazz at kunin ang korona sa 2022 PVL Open Conference nitong Biyernes.

Tabla sa 1-1, nabuhay si team captain Alyssa Valdez sa  third set kung saan binigyan niya ang Cool Smashers ng 22-19 kalamangan subalit nagbanta ang Angels.

Inilapit nina Nicole Tiamzon at Chie Saet ang Petro Gazz sa isang puntos, 22-21, ngunit naging matatag ang Creamline upang kunin ang third frame at umangat sa 2-1 sa laro.

Binigyan ni Valdez ang Creamline ng unang championship point bago sinelyuhan ni middle blocker Ced Domingo ang panalo sa pamamagitan ng quick attack.

Tumapos ang dating  Ateneo standout na may team-high 20 points at 11 digs habang nagdagdag si Jema Galanza ng 17 points.

Bago ang laro ay itinanghal si Creamline’s Tots Carlos bilang Conference MVP at nakopo rin niya ang Best Opposite honors.

Ang Creamline ay mayroon na ngayong kabuuang apat na titulo sa PVL magmula nang lumahok sa liga noong 2018.