CREAMLINE, KURASHIKI MAGPUPUKPUKAN PARA SA KORONA

Standings W L

*Kurashiki 5 0

*Creamline 4 1

Cignal 2 3

F2 Logistics 2 3

PLDT 2 3

Kinh Bac Bac Ninh 0 5

*finalist

Mga laro ngayon:

(Philsports Arena)

4 p.m. – F2 Logistics vs Cignal (3rd Place)

6:30 p.m. – Kurashiki vs Creamline (Final)

NAG-AALALA ang Kurashiki sa maaaring ipakita ng Creamline sa one-match Premier Volleyball League Invitational Conference finals ngayon sa Philsports Arena.

Maaaring natalo ang Cool Smashers sa unang pagkakataon sa kamay ng bisitang Ablaze noong Biyernes ng gabi, ngunit ang six-time PVL winners ay nananatiling kumpiyansa sa kanilang title-retention chances.

“We really want to win on Sunday.

Now that we knew how Creamline plays, it will be a question of desire and heart,” sabi ni coach Hideo Suzukis makaraang putulin ng Kurashiki ang seven-match winning run ng defending champions sa pamamagitan ng 25-20, 25-21, 18-25, 25-14 panalo upang walisin ang six-team semis phase.

Walang bearing ang laro, kung saan minabuti ni Creamline coach Sherwin Meneses na gumamit ng mga bagong kumbinasyon sa layuning mapanatiling “fresh and energized” ang ilan sa kanyang starters sa all-important match na inaasahang aakit ng full-packed Sun-dried crowd.

“We were so happy that we were able to beat the Cool Smashers since they are the defending champions.

But the final is a bigger challenge for us,” sabi ni Suzuki sa pamamagitan ng isang interpreter.

Asahan ang Creamline, na natalo rin sa kanilang championship preview sa Chinese Taipei’s KingWhale sa final day ng semis bago nanalo noong nakaraang season, na itataas ang lebel ng kanilang laro sa pinakamahalagang laban.

May roster na binubuo nina heavy-hitters Tots Carlos, Jema Galanza at Alyssa Valdez, middles Ced Domingo at Jeanette Panaga, at ace playmaker Jia de Guzman, ang Cool Smashers ay sumailalim sa matinding pagsasanay kahapon, determinadong makaganti sa Ablaze.

“Sobrang excited ako kasi, yes siyempre kalaban ‘yung Japanese team, siyempre Japanese din ako,” sabi ni Risa Sato, ang Osaka-born middle blocker na binigyan ng court time ni Meneses upang pagpahingahin si Domingo at makapaghanda para sa pinakamalaking laban.

“Sobrang happy kasi itong time lang puwede naming makalaban ‘yung Japan? Kasi last year Taiwan, ‘di ba?

“Kailangan champion kami. ‘Yun lang ang mindset ko – champion,” dagdag ni Sato, na tumapos na may 10 points sa four-set stint.