CREAMLINE, PETROGAZZ MAGSASALPUKAN SA KRUSYAL NA LARO

KAPWA hangad ng Creamline at PetroGazz na palakasin ang kanilang semifinal bids sa kanilang paghaharap ngayong Sabado. PVL PHOTO

Standings      W    L
Choco Mucho      6    1
PLDT      6    1
Creamline       6    1
PetroGazz      5    2
Cignal      5    2
Chery Tiggo      5    2
Akari      2   5
Nxled      2    5
Farm Fresh      2    5
Galeries Tower     2    5
Capital1      1    6
Strong Group      0   7

Mga laro ngayon:
(Santa Rosa Multipurpose Sports Complex)

2 p.m. – Galeries Tower vs Akari

4 p.m. – Capital1 vs Choco Mucho

6 p.m. – PetroGazz vs Creamline

MAGSASAGUPA ang defending champion Creamline at PetroGazz sa krusyal na laro na maaaring magpalakas o magpahina sa kanilang semifinal bids sa Premier Volleyball League All-Filipino Conference ngayong Sabado.

Nakatakda ang laro ng Cool Smashers at Angels sa alas-6 ng gabi sa Santa Rosa Multipurpose Sports Complex sa Laguna.

Ang Creamline ay kasalukuyang tabla sa PLDT at Choco Mucho, na makakaharap ang Capital1 sa alas-4 ng hapon, sa ibabaw ng standings sa 6-1.

May 5-2 record, ang PetroGazz ay nasa joint fourth kasama ang Cignal at Chery Tiggo.

Ang panalo ay maglalagay sa Cool Smashers sa top spot o sa sosyohan sa liderato, na maglalapit sa kanila sa isa pang semifinal appearance, subalit laban sa Angels, asahan na mapapalaban ang tropa ni coach Sherwin Meneses.

Nakatuon ang lahat sa kung paano mapipigilan ng PetroGazz si Tots Carlos, na galing sa smashing performance sa huli nilang laro, at kung anong adjustments ang gagawin ni setter Kyle Negrito sakaling ma-nuutralize ang three-time PVL MVP.

Si Carlos ay nagtala ng bagong all-time local scoring record na 38 points sa  26-28, 22-25, 25-22, 24-21, 16-14 panalo ng Cool Smashers kontra HD Spikers noong nakaraang March 26.

Nananatiling mabigat na kalaban ang Angels na pinangungunahan ni Fil-Am Brook Van Sickle.

Ang PetroGazz ay galing sa 25-11, 25-19, 25-14 panalo laban sa  Capital1 noong nakaraang March 26.

Ang dalawang koponan ay nagharap sa apat na championships, kung saan nagwagi ang Creamline ng tatlo.

Nais din ng Cool Smashers na bumawi mula sa  18-25, 24-26, 23-25 loss sa Crossovers noong nakaraang March 16 sa parehong  Santa Rosa arena na pumutol sa kanilang 19-match winning streak.